LACSON-SOTTO SLOGAN PUMAPATOK SA BOTANTE

Dahil sa tuloy-tuloy nilang paghahatid ng malinaw na mensahe na “aayusin ang gobyerno para maayos ang buhay ng mga Pilipino” lalo pang lumalakas ang tambalan ni Partido Reporma chairman at standard-bearer Panfilo “Ping” Lacson at running mate niya na si Senate President Vicente “Tito” Sotto III.

Sa pinakahuling “Pulso ng Pilipino” survey na isinagawa ng Issues and Advocacy Center (The CENTER) noong Disyembre 6 hanggang 12 sa 1,200 respondente, angat pa rin sina Lacson at Sotto sa pangalawang puwesto kung pipili ang mga botante ng tandem na presidente at bise presidente.

Batay sa non-commissioned survey, nakuha ng Lacson-Sotto tandem ang 25 porsiyentong rating, apat na porsiyento na mas mataas kumpara sa nakalipas na survey noong Nobyembre. Patunay ito na nagmarka ang plataporma ng dalawang batikang mambabatas sa mga Pilipino na naghahanap ng tunay na pagbabago sa gobyerno sa susunod na anim na taon.

Ayon kay Ed Malay, direktor ng The CENTER, sa mga presidential candidate naungusan na ni Lacson si Vice President Leni Robredo para sa ikatlong puwesto at nakakuha ng 13 porsi⁰yentong rating.

“As it is, only three candidates have come up with clear programs, among them is Sen. Panfilo ‘Ping’ Lacson who has come forward with a message telling the people ‘Ayusin Natin ang Gobyerno, Aayusin Natin Ang Buhay Ninyo’ and this seemed to be gaining adherents among the citizenry looking for some sense in the present situation the country is in right now,” ayon kay Malay.

Paliwanag ni Malay, ngayong limang buwan na lang bago ang Eleksyon 2022 marami na sa mga botante ang dismayado sa maruming pulitika na umiiral simula nang mag-umpisa ang panahon ng kampanya, bagay na hindi nakita sa tambalang Lacson-Sotto na nakapokus sa paghahatid ng solusyon sa mga umiiral na isyu sa bansa.

Ayon pa sa survey firm, si Lacson ang presidentiable na gumawa ng mga aksiyon na nararapat para sa isang pulitiko na tumatakbo sa pagkapangulo at ito ay paghahatid ng maayos na mensahe bilang kandidato.

Dagdag ni Malay, “Regardless of whether the electoral process can be manipulated or not, candidates must let the voters into their mind tunnels, so the voters can see what they represent.”

Samantala, nanguna si Nationalist People’s Coalition chairman Sotto sa vice presidential race at nakuha ng 44 porsiyentong boto ngayong buwan, mas mataas ng isang puntos kumpara sa huling Pulso ng Pilipino survey.

Gamit na armas ng Lacson-Sotto tandem ang “Online Kumustahan” ng Partido Reporma para maihatid ang kanilang mga plataporma sa iba’t ibang probinsya sa bansa. Layunin nito na magkaroon ng pakikipagdayalogo sa mga residente, lider ng iba’t ibang sektor ng lipunan at opisyal ng pamahalaan upang mapakinggan ang kanilang mga pangangailangan.