SINIGURO ni Partido Reporma chairman at standard-bearer Panfilo ‘Ping’ Lacson at running mate niyang si Senate President Vicente “Tito” Sotto III na mawawala ang kotong sa kalsada at maging sa gobyerno kung silang dalawa ang magiging susunod na lider ng bansa.
“Kaya, kasi kinaya nu’ng Chief PNP ako e, nawala talaga ‘yung kotong sa kalsada, at ngayon hindi lang kotong sa kalsada ‘yung mawawala. ‘Pag kaming dalawa ni Senate President ang nabigyan ng pagkakataon, ‘yung kotong sa buong gobyerno mawawala,” pahayag ni Lacson sa “Meet the Press” forum, Huwebes ng umaga.
Ayon sa dalawang batikang mambabatas, na may 42 taon ng pinagsamang pagseserbisyo sa Senado, ang kanilang magandang performance at katapatan bilang serbisyo publiko ang makakapagpatunay na kayang-kaya nilang aksyunan ang katiwaliang ito sa mga opisyal ng gobyerno at iba pang awtoridad.
Ang susi lang umano para matigil ang ganitong katiwalian ay ang pagkakaroon ng iisang pamantayan na kailangang sundin at pagkakaroon ng lider na ehemplo ng magandang pamamalakad at hindi ginagamit ang posisyon para makalamang.
“Hindi pwedeng ikaw exempted ka. Dahil ikaw ang pinuno ay ikaw dapat ang nangunguna sa pagbibigay ng magandang ehemplo,” giit ni Lacson.
Para sa presidential candidate, dapat ding matigil ang pagkakaroon ng pang-aabuso sa kapangyarihan ng mga pulitiko at opisyal ng pamahalaan.
Sa isyu ng paggamit ng wang-wang ng mga pulitiko at iba pang opisyal ng gobyerno sinabi ni Lacson na dapat ay maging patas ang lahat. Aniya, “Alam mo, ‘yung feeling of entitlement dapat ‘yon wala e. Pare-pareho, mapa-government vehicle ka o kaya nagmamadali ka, dapat ‘pag sinabing bus lane, bus lane; o kaya mga ambulance lane, ‘yun lang.”