TARGET ng walang dungis na Paranaque Lady Aces at Taguig Lady Generals na umukit ng kasaysayan sa pag-aagawan nila sa kauna-unahang Women’s National Basketball League (WNBL) championship ngayong weekend sa Bren Z Guiao Convention Center sa Pampanga.
Nakatakda ang Game 1 ng best-of-three Finals sa Sabado, kung saan pinapaboran ang Lady Aces dahil papasok sila sa title series na walang talo sa lahat ng kanilang 10 laro mula pa sa elimination round.
Ang streak ay kinabibilangan ng pares ng blowouts kontra Lady Generals sa likod ng average winning margin na 17.5 points, dahilan para maging top bet ang Paranaque na makopo ang inaugural title ng una at tanging women’s professional basketball league sa bansa.
Sa kanilang pagbisita sa online Philippine Sportswriters Association (PSA) Forum noong Martes kasama ang Lady Generals, at si WNBL-Pilipinas Executive Vice President Rhose Montreal ay sinabi ng Lady Aces na ang layunin nila ay ang huwag huminto hanggang sa makuha ang korona.
“Siyempre ‘yung makuha ang championship at mag-create ng history sa first ever pro league ng women’s,” wika ni national team stalwart Clare Castro, double gold medal winner sa Gilas Pilipinas women’s 3×3 at 5-on-5 team sa Southeast Asian Games na idinaos sa bansa, dalawang taon na ang nakalilipas, patungkol sa hangarin ng Paranaque.
Sa kabila ng kanilang impresibong record, walang plano ang Paranaque na magkampante kontra Taguig, na nakausad sa playoffs bilang second seeded team na may 4-4 kartada.
“Ang lagi ko lang sinasabi, and even our coaches laging ini-instill sa amin na huwag kaming magpakampante dahil bilog ang bola,” dagdag ni Allana Lim, isa pang mainstay ng women’s national team. “Dapat focus lang every time we step on the court, focus lang kami dapat sa goal namin.”
Bagama’t dehado ay puno naman ng pag-asa at kumpiyansa ang Lady Generals na makasisilat.
“Yung finals na ito comparable siya kay David and Goliath,” sabi ni Marichu Bacarro, ang dating UAAP MVP mula sa University of Santo Tomas, sa session na itinataguyod ng San Miguel Corporation (SMC), MILO, Amelie Hotel Manila, Braska Restaurant, Daily Tribune, at ng Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR).
“We need to double our effort para mabigyan sila ng magandang laban.”
“Wala kaming individual player na star talaga, so mostly kami we play as a team,” ani Karla Manuel.
“‘Yung sistema lang ng mga coaches ang sinusunod namin, and double effort lang kami sa defense, ‘yun kasi ang strength namin to win games.”
Winalis ng Paranaque ang Quezon Lady Spartans sa best-of-three semis series, habang naungusa ngTaguig ang Glutagence sa isa pang Final Four pairing para maisaayos ang titular showdown.