LADY ALTAS SALO SA SECOND PLACE

Mga laro bukas:
(San Andres Sports Complex)
9 a.m. – LPU vs EAC (Men)
12 noon – LPU vs EAC (Women)
2 p.m. – Benilde vs Mapua (Women)
4:30 p.m. – Benilde vs Mapua (Men)

BUMAWI ang University of Perpetual Help System Dalta mula sa kanilang unang talo sa NCAA women’s volleyball tournament sa 26-24, 25-23, 25-16 pagwalis sa San Sebastian kahapon sa San Andres Sports Complex.

Kumubra si Shai Umipon ng 13 points at 7 digs, nag-ambag si Mary Rhose Dapol ng 12 points, kabilang ang 3 service aces, habang gumawa si Jhasmine Sapin ng 17 excellent sets para sa Lady Altas na sumosyo sa ikalawang puwesto.

Bumawi mula sa 23-25, 21-25, 22-25 loss sa defending champion College of Saint Benilde kamakailan, ang Perpetual ay umangat sa 4-1 katabla ang Mapua.

Ang league-leading Lady Blazers ay nanatiling walang dungis sa limang laro.

Nauna rito, umiskor sina Kleiner Abraham at Chynna Castillo ng tig-15 points habang nag-ambag si Kat Molina ng 14 points at 7 digs para sa San Beda na pumasok sa win column sa 25-22, 25-21, 25-16 pagdispatsa sa JRU.

Pinutol ng Lady Red Spikers ang four-match skid habang ipinalasap sa Lady Bombers ang kanilang ika-5 sunod na kabiguan.

Nagbigay ng magandang laban ang Lady Stags, na kasama ang Lady Bombers sa ilalim ng standings sa 0-5, sa unang dalawang sets bago yumuko sa Lady Altas.

Nagpakawala si Kath Santos ng 13 kills habang nagdagdag si KJ Dionisio ng 10 points para sa Lady Stags.