LADY BABY TAMARAWS DUMIKIT SA Q’FINALS

NAGDIWANG ang Far Eastern University-Diliman makaraang walisin ang Arellano University, 25-20, 25-20, sa 2024 Shakey’s Girls Volleyball Invitational League (GVIL).

Mga laro ngayon:
(Paco Arena)

8 a.m. — Kings’ Montessori vs Perpetual

10 a.m. –– UPIS vs NUNS

12 p.m. –– Bethel Academy vs California Academy

2 p.m. –– La Salle-Zobel vs FEU

4 p.m. — Arellano vs Naga College Foundation

PINATAOB ng Far Eastern University-Diliman ang Arellano University, 25-20, 25-20, upang kunin ang top spot sa Pool B ng 2024 Shakey’s Girls Volleyball Invitational League (GVIL) nitong Linggo sa Adamson University gym.

Kinamada ni Raine Alonzo ang crucial hits para sa Lady Baby Tamaraws sa second set upang tulungan ang koponan na makopo ang ikalawang panalo sa parehong dami ng laro.

Naitala ng winger ang anim sa kanyang walong puntos na nagmula sa 7 kills at isang ace sa second frame habang nagdagdag si Lovely Lopez ng 7 points para sa FEU na lumapit sa quarterfinals sa premier grassroots volleyball tournament ng bansa na suportado ng Shakey’s Pizza Parlor, Eurotel, Victory Liner, Smart Sports, Mikasa, Team Rebel Sports, Data Project, Genius Sports at Robinsons Malls.

“Isa lang naman ‘yung sinasabi namin. Kailangan lang maglaro sila ng maayos. Kailangan lang magkaroon sila ng gel sa loob ng court,” sabi ni Lady Baby Tamaraws coach Rjay Del Rosario.

“Kailangan lang mag-usap-usap sila para madali ‘yung trabaho and ‘yung galaw nila maging pulido. Kailangan lang sila i-push talaga,” dagdag pa niya.

Nagbuhos si Samantha Maranan ng 9 points, pawang mula sa  kills, habang umiskor sina  Christal Pueblas at Catherine Chu ng 6 points para sa Arellano, na nahulog sa 1-1 kartada.

Samantala, kumarera ang Bethel Academy sa ikalawang sunod na panalo makaraang gapiin ang Chiang Kai-shek College, 25-16, 25-22, sa Pool A.

Umangat ang Bethelites sa 2-1 marka katabla ang walang larong De La Salle-Lipa sa likod ng 16-point outing ni middle blocker Shane Reterta.

Nagpakawala si Reterta ng 13 attacks na may 2 aces at isang kill block para sa isang all-around display ng kanyang scoring prowess. Nagdagdag sina April Rose Tre-inta at Triia Porto ng 7 at 5  points, ayon sa pagkakasunod..

“Actually today, I think the girls are a bit off. It was a bit of a struggle starting the match, and starting every set. So, 16 points, 18 points pa kami nakaka-bounce back,” sabi ni Bethel Academy coach Tristan Garcia.

“But I’m still proud of the girls kasi kahit na it’s an off day, they’re not really playing that well, yung will to win nandun naman. Dinala na lang sa tiyaga and leadership ng seniors.”

Umiskor si Sachie Tud ng 5 points upang pangunahan ang Blue Dragons, na nalasap ang ikalawang sunod na kabiguan sa tatlong laro.

Sa Pool B, pinutol ng Naga College Foundation ang two-game skid upang makapasok sa  win column makaraang gapiin ang Emilio Aguinaldo College, 25-15, 25-21.

Nanguna si Sheena Sarie para sa  last year’s runners-up na may 13 points upang makatabla ang kanilang biktima sa 1-1.