LADY BLAZERS ‘DI MAAPULA

Standings W L
CSB 5 0
Arellano 5 1
SSC-R 4 1
Mapua 3 2
LPU 3 2
Perpetual 2 3
JRU 2 3
San Beda 1 4
Letran 1 5
EAC 0 5

Mga laro ngayon:
(Paco Arena)
12 noon – EAC vs LPU
2:30 p.m. – Perpetual vs JRU

KINAILANGAN lamang ng College of Saint Benilde ng 67 minuto upang dispatsahin ang Mapua, 25-17, 25-11, 25-12, at hilahin ang kanilang perfect run sa lima sa NCAA women’s volleyball tournament kahapon sa Paco Arena.

Dinomina ng Lady Blazers ang Lady Cardinals sa spiking (41-19), blocking (4-1) at service (6-2) upang umangat sa 5-0 record.

Sa iba pang laro, nabawi ng titleholder Arellano University ang second place kasunod ng 25-13, 21-25, 25-16, 25-20 panalo kontra Letran.

Ngayong nangangalahati na ang eliminations, umaasa si CSB mentor Jerry Yee na ipagpapatuloy ng kanyang tropa ang pagsunod sa kanilang gameplan.

“Kumbaga, execute lang tayo nang execute. Hindi pa tapos eh. Kalahati pa lang,” sabi ni Yee, nasa kanyang ikatlong season sa Lady Blazers.

Kumana si Jade Gentapa ng 12 points, gumawa rin si Mycah Go ng 12 points, kabilang ang dalawang service aces, na sinamahan ng 10 receptions, habang nagdagdag si Gayle Pascual ng 9 points para sa CSB.

Nagpamalas si Cloanne Mondoñedo ng solid all-around game para sa Lady Blazers, kung saan ang second year setter ay nag-toss ng 18 excellent sets, nakakolekta ng 10 digs at nagpakawala ng dalawang service aces upang tumapos na may 6 points. Ito ang ika-4 na straight-set win ng Lady Blazers ngayong season.

“We prepared for them so its good na nakuha namin,” ani Yee. Pinaalalahanan ni coach Obet Javier ang kanyang Lady Chiefs na huwag magkampante.

“Maging focus lang. Maglaro lang tayo,” sabi ni Javier.

Nagtala si Carla Donato ng dalawang blocks upang tumapos na may 16 points, nagdagdag si Trina Abay ng13 points, kabilang ang tatlong blocks, habang kumana si Miya Diño ng12 kills para sa Lady Chiefs.

Nag-ambag si Cess Bello ng 11 points, kabilang ang dalawang service aces, 17 digs at 10 receptions para sa Arellano.