LADY BLAZERS DIRETSO SA FINALS

Mga laro bukas:
(San Andres Sports Complex)
12 noon – Arellano vs EAC (Men)
2 p.m. – Arellano vs EAC (Women)

DUMIRETSO sa championship round ang women’s champion College of Saint Benilde makaraang walisin ang NCAA volleyball eliminations kahapon sa San Andres Sports Complex.

Nangailangan lamang ang Lady Blazers ng 67 minuto upang dispatsahin ang Jose Rizal University, 25-10, 25-21, 25-13, at umabante sa Finals sa ikalawang sunod na season.

Kumana si Gayle Pascual ng 16-of-30 kills, humataw si Zamantha Nolasco ng 5 blocks at 3 service aces upang tumapos na may 10points, habang umiskor din si Michelle Gamit ng 10 points sa 9-of-16 attacks para sa Benilde, na nanalo ng 27 sunod mula pa sa 2020 season na nakansela dahil sa Covid-19 pandemic.

Masaya si Mycah Go, ang MVP noong nakaraang season na naging isa sa mga assistant ni coach Jerry Yee makaraang hindi na makapaglaro dahil sa ACL injury, sa narating na ng Lady Blazers.

“Masaya kasi siyempre next na trabaho namin iyon eh. Next na goal namin iyon. Siyempre, eliminations muna then Finals. Ayun, nakahinga na rin kami na umabot na rin kami sa Finals. Finals na lang iisipin namin and isang team na lang,” sabi ni Go.

Kinuha ng Perpetual ang No. 2 ranking sa semifinals sa 25-16, 25-19, 25-17 pagwalis sa Mapua.

Umiskor sina Mary Rhose Dapol at Shaila Omipon ng tig- 13 points, nagdagdag si Janine Padua ng 11 points habang gumawa si setter Jhasmine Sapin ng 12 excellent sets at napantayan ang dalawang service aces ni Omipon para sa Lady Altas.

Nagtala si Roxie dela Cruz ng 8 points bago inilabas sa third set para sa Lady Cardinals.

Tumapos ang Mapua na tabla sa Lyceum of the Philippines University sa third at fourth spots sa 6-3. Maghaharap ang dalawang Intramuros-based squads sa unang stepladder match sa Linggo, kung saan ang mananalo ay makakaharap ang Perpetual sa isa pang knockout duel para sa nalalabing Finals berth sa March 29.

Tinapos ng Lady Bombers ang kanilang season na may 1-8, walang isang taon matapos ang breakthrough third place finish.

Nanguna si Sydney Niegos para sa JRU na may 10 points, habang nag-ambag sina Mary May Ruiz at Riza Rose ng 8 at 7 points, ayon sa pagkakasunod.