LADY BLAZERS, LADY ALTAS DUMIKIT SA V-LEAGUE FINALS

Tinangkang umiskor ni Khy Cepeda ng UE laban kina Clo Mondoñedo at Zam Nolasco ng Benilde sa kanilang semis match sa V-League Collegiate Challenge kahapon. V-LEAGUE PHOTO

 

LUMAPIT ang College of Saint Benilde at University of Perpetual Help System sa pagsasaayos ng isang all-NCAA finals makaraang pataubin ang kani-kanilang katunggali sa semifinals sa V-League Collegiate Challenge kahapon sa Paco Arena.

Ipinalasap ng Lady Altas sa Far Eastern University ang unang kabiguan nito sa torneo sa 25-21, 28-26, 26-24 panalo sa Game 1.

Sumandig ang Lady Blazers sa kanilang depensa upang walisin ang University of the East, 25-22, 25-13, 25-12, at makauna sa kanilang sariling best-of-three series.

Sisikapin ng Benilde, ang two-time NCAA champions, at Perpetual na tapusin ang serye sa Game 2 na nakatakda bukas.

Sumandal ang Lady Blazers sa 8-0 closing run upang dispatsahin ang dLady Warriors, tampok ang tatlong sunod na hits mula kay Zam Nolasco, kabilang ang back-to-back blocks.

“Yung consistency and less errors lang talaga ‘yung nangyari in this game,” sabi ni Benilde assistant coach Jay Chua.

“Sana gumana ‘yung blocking namin sa Game 2.”

Sa huli ay tumapos si Nolasco na may 6 blocks at 6 attacks.

Nanguna si Jade Gentapa para sa Lady Blazers na may 15 points, kabilang ang dalawang service aces, at 11 digs habang nagdagdag si Gayle Pascual ng 13 points sa 12-of-28 attacks.

Nalimitahan ng Benilde, na nalusutan ang UE side, 23-25, 25-22, 29-27, 25-18, sa elims noong nakaraang Sept. 10, ang top gun ng liga na si Casiey Dongallo sa 9 points sa 7-of-48 spikes.

Umiskor sina Khy Cepeda at Riza Nogales ng tig-6 points para sa Lady Warriors.

Nagbuhos si Shai Omipon ng 20 points at 9 digs para sa Lady Altas habang nakakolekta si Mary Rhose Dapol ng 13 points, kabilang ang 2 service aces, 9 digs at 8 receptions.

Nagpakawala rin si Perpetual setter Jhasmine Sapin ng 2 aces at gumawa ng 9 excellent sets.

“’Yung adjustment namin from offense to defense nag-work. Meron akong mas pinabilis at mas pinatibay sa floor defense; kasama na rin yung scouting sa opponents namin today,” sabi ni Lady Altas coach Sandy Rieta.

Bumanat si Kiesha Bedonia ng 10 kills upang pagbidahan ang Lady Tamaraws, na winalis ang pitong preliminary round matches.