WINALIS ng College of Saint Benilde ang Lyceum of the Philippines University, 25-19, 25-20, 25-13, sa NCAA Finals rematch para sa winning start sa V-League Collegiate Challenge kahapon sa Paco Arena.
Nagtala si Zam Nolasco ng 9-of-15 attacks at 3 blocks upang tumapos na may 12 points habang umiskor sina Clydel Catarig at Michelle Gamit ng tig-12 points para sa Lady Blazers.
Nanguna si Joan Doguna para sa Lady Pirates na may 9 points, habang nag-ambag si Jaja Tulang ng 8 points, kabilang ang 2 blocks.
Naitala rin ng University of Perpetual Help System Dalta ang kanilang unang panalo nang pataubin ang San Sebastian, 25-18, 25-19, 25-19.
Gumawa si Mary Rhose Dapol ng 16 points at 8 digs habang nagpakawala si Charmaine Ocado ng 4 service aces upang tumapos na may 11 points para sa Lady Altas.
Umisor sina Tina Marasigan at Kat Santos ng tig-9 points para sa Lady Stags.
Sa men’s play, dinispatsa ng Perpetual ang San Beda, 25-14, 25-17, 25-22, sa isa pang NCAA championship rematch upang kunin ang maagang liderato.
“I’m happy we got the win because we prepared for this. Happy ako na kahit wala kaming Louie Ramirez, we’re playing as solid team,” sabi ni coach Sammy Acaylar makaraang umangat ang Altas sa 2-0.
Si Ramirez ay nasa Japan para sa threeweek training camp sa V.League club Oita Miyoshi.
Nagtala si Jeff Marapoc ng 13 kills at 9 receptions, habang nagdagdag si Kobe Tabuga ng 9 points, kabilang ang 2 service aces para sa Perpetual.
Umiskor si Kevin Montemayor ng 9 kills, habang nag-ambag sina Justine Santos at Mohammad Tahilluddin ng tig-6 points para sa Red Spikers, na nawala si Axel Book sa injury kasunod ng masamang pagbagsak sa second set.
Nauna rito, naitakas ng La Salle ang comefrom-behind 26-28, 25- 18, 28-26, 25-21 win kontra University of Santo Tomas.
Nanguna si captain JM Ronquillo para sa Green Spikers na may 27 points sa 23-of-34 attacks at 4 blocks, habang gumawa si JJ Rodriguez ng 12 points mula sa bench.