LADY BLAZERS NANATILING WALANG DUNGIS

Mga laro ngayon:
(San Andres Sports Complex)
9 a.m. – JRU vs San Beda (Men)
12 noon – JRU vs San Beda (Women)
2 p.m. – Perpetual vs SSC-R (Women)
4:30 p.m. – Perpetual vs SSC-R (Men)

NALUSUTAN ng defending champion College of Saint Benilde ang matikas na pakikihamok ng Lyceum of the Philippines University upang maitarak ang 22-25, 25-16, 16-25, 25-13, 15-9 panalo at mahila ang kanilang perfect run sa lima sa NCAA women’s volleyball tournament kahapon sa San Andres Sports Complex.

Makaraang gumawa si Jaja Tulang ng service error, umiskor si Cloanne Mondoñedo ng service ace na sinundan ng kill ni Jessa Dorog kill upang ilagay ang Lady Blazers sa match point.

Pagkatapos ay naitala ni Gayle Pascual ang match winner upang tulungan ang Benilde na mapangalagaan ang kanilang walang dungis na marka.

Nawala sa Lady Pirates, na kinuha ang dalawa sa unang tatlong sets, si Joan Doguna sa huling bahagi ng deciding set dahil sa cramps kung kailan sila naghahabol sa 8-11.

Sa isa pang five-set match, pinataob ng Mapua ang Arellano University, 21-25, 19-25, 25-23, 25-21, 15-11, upang kunin ang solo second place na may 4-1 kartada.

Nanguna si Mondoñedo para sa Lady Blazers, kung saan gumawa ang veteran playmaker ng 25 excellent sets at humataw ng match-best three blocks at two service aces upang tumapos na may 10 points.