LADY BLAZERS NANATILING WALANG DUNGIS

Standings W L
CSB 6 0
Arellano 5 1
SSC-R 4 2
JRU 3 3
LPU 3 3
Mapua 3 3
Perpetual 2 4
San Beda 2 4
EAC 1 5
Letran 1 5

Mga laro ngayon:
(Paco Arena)
12 noon – Arellano vs Perpetual
2:30 p.m. – Letran vs EAC

NAPANATILI ng College of Saint Benilde ang malinis na kartada sa NCAA women’s volleyball tournament.

Kumamada sina Jade Gentapa at Gayle Pascual ng pinagsamang 30 points upang pangunahan ang Lady Blazers sa 25-11, 25-22, 25-14 panalo kontra San Sebastian upang umangat sa 6-0 kahapon sa Paco Arena.

Makaraang dispatsahin ang Mapua sa loob lamang ng 67 minuto sa huli nilang laro, ang CSB ay nangailangan ng 70 minuto sa pagkakataong ito para mamayani.

Sa iba pang laro, naiposte ng San Beda ang ikalawang sunod na panalo matapos ang 0-4 simula kasunod ng 25-20, 14-25, 25-23, 25-23 pagdispatsa sa Mapua.

Kinapos ang Lady Cardinals sa huling dalawang sets makaraang maitabla ang laro sa second set upang malasap ang kanilang unang back-to-back loss sa season.

Batid ang kakayahan ng Lady Stags, na sa huling dalawang laro ay bumangon mula sa 0-2 set deficit upang manaig, hindi binigyan ng Lady Blazers ng pagkakataon ang katunggali.

“Mindsetting lang, kung naniniwala sila sa narrative na iyon na babawi ang San Sebastian, baka mangyari,” sabi ni CSB coach Jerry Yee.

“Eh kung meron ka namang sinet na tone para sa sarili mo, you won’t let that happen so ayun lang naman. Dapat aayusin mo yung mindset mo,” dagdag pa niya.

Hindi nakasabay ang Lady Stags sa Lady Blazers, na agad kinuha ang 12-2 first set lead at hindi na lumingon pa.

Kumana si Gentapa ng 17 points at 10 digs habang bumanat si Pascual ng 13 kills para sa CSB.

Napanatili ni Mycah Go ang kanyang all-around game para sa Lady Blazers, gumawa ng dalawang service aces upang tumapos na may 9 points, 9 receptions at 4 digs.

Umiskor sina Kat Santos at Bianca Ordoña ng tig-10 points upang pangunahan ang San Sebastian.

Nalimitahan si Reyann Cañete, isa sa leading scorers ng Lady Stags, sa season-low four points subalit nakakolekta ng 11 digs at 7 receptions.

Naputol ang three-match winning streak ng San Sebastian at bumagsak sa 4-2 record.

Nahulog ang Mapua sa three-way tie kasama ang Jose Rizal University at Lyceum of the Philippines University sa fourth place sa 3-3.

Nanguna si Trisha Paras para sa Lady Red Spikers na may 23 points, kabilang ang dalawang service aces, habang nagdagdag si Marianne Tayag ng 8 points.

Nakausad na sa pag-alis ng ilang key players sa mahabang pahinga, ang San Beda ay nananatiling kumpiyansa sa tsansa nitong makapasok sa susunod na round.

“Ako po ang inaasahan ni coach Mesio (Gavino). Nandoon ang tiwala sa sarili ko na kaya ko,” sabi ni Paras.

“Sinabi ko sa kanila one step at a time. Kaya natin pumasok sa Final Four. Nagagamay na namin yung isa’t isa,” dagdag ng Pangasinan native.