LADY BOMBERS SINIBAK ANG LADY STAGS

Laro bukas:
(Filoil Flying V Centre)
2 p.m. – Arellano vs JRU

SINANDIGAN ni Dolly Verzosa ang Jose Rizal University upang maitakas ang 25-21, 18-25, 22-25, 25-20, 15-9 panalo kontra San Sebastian sa NCAA women’s volleyball tournament kahapon sa Filoil Flying V Centre.

Pinalawig ang kanyang college stint ng isang araw pa, umiskor si Verzosa ng16 points, kabilang ang match-clinching kill, at nakakolekta ng 15 digs para sa hard-fighting Lady Bombers.

Makakaharap ng JRU, nakatitiyak na sa kanilang best-ever finish sa program history, ang titleholder Arellano University sa isa pang do-or-die match bukas ng alas-2 ng hapon sa San Juan arena.

Ang mananalo ay makakalaban ng undefeated College of Saint Benilde sa best-of-three title series na magsisimula sa Miyerkoles.

Determinado si Verzosa, nasa kanyang ikalawang Final Four appearance, na bigyan ng karangalan ang kanyang eskuwelahan sa step-ladder phase.

“Hindi ako umiyak para mag-fourth place kami. ‘Yung Final Four nakatatak na kay Shola (Alvarez, former MVP). We want to make history rin,” sabi ni Verzosa, na gumawa rin ng dalawang blocks.

“Kami ni Kia (Melgar) we will make history na aalis kami na may magandang alaala para sa JRU,” dagdag pa niya.

Kumamada si Melgar ng 18 points, kabilang ang 4 blocks, habang kumana si Sydney Niegos ng 3 blocks para sa 15-point outing.

Nagdagdag si Riza Rose ng 9 points, habang kumubra si Lyka Egera ng 8 points, kabilang ang dalawang service aces. Nag-toss si JRU setter Jerry Lyn Laurente ng 25 excellent sets na sinamahan ng 3 aces.