LADY BULLDOGS AYAW PAAWAT

UAAP women's volleyball tournament 2022

Standings      W    L

NU                  9     0

UST                 7     2

DLSU             5     3

AdU                5     4

Ateneo            4     5

UP                   4     5

FEU                1     7

UE                   0     9

 

Mga laro ngayon:

(Mall of Asia Arena)

10 a.m. – UST vs Ateneo

12:30 p.m. – AdU vs FEU

4 p.m. – DLSU vs UP

6:30 p.m. – NU vs UE

NALUSUTAN ng National University ang mabagal na simula at ang late Ateneo fightback sa fourth set upang maitakas ang 18-25, 25-20, 25-19, 25-18 panalo at manatiling walang talo sa siyam na laro sa UAAP women’s volleyball tournament kahapon sa Mall of Asia Arena.

Nakopo ng Lady Bulldogs ang playoff para sa isang Final Four berth, at ang mas mahalaga ay nanatili ito sa kontensiyon para sa outright Finals berth.

Nagbuhos si Mhicaela Belen ng 19 points, kabilang ang dalawang blocks, 21 receptions at 10 digs, nagdagdag si Cess Robles ng 16 points, habang tumipa si Alyssa Solomon ng 14 points para sa NU.

Pinahigpit ng University of Santo Tomas ang kapit sa second spot sa 25-20, 18-25, 26-24, 25-23 pagdispatsa sa  University of the Philippines.

Umangat ang Tigresses, na muling nagpamalas ng katatagan makaraang bumangon mula sa 21-24 deficit sa third set, sa 7-2 kartada.

Bumawi si Eya Laure mula sa tatlong sunod na  attack faults na nagbigay-daan para makalapit ang Fighting Maroons sa 23-24 sa pamamagitan ng match-clinching spike upang tumapos na may 25 points at 20 receptions.

Naiganti ng UST, na nakakuha rin ng  10 points mula kay Ysa Jimenez, ang kanilang four-set loss sa UP sa first round.

Nauna rito, nagpakawala si Trisha Genesis ng tatlong service aces para sa 13-point outing at nanatili ang Adamson sa Final Four range sa 25-16, 25-14, 25-9 panalo laban sa University of the East.

May 5-4 marka, ang Adamson ay nakabawi mula sa five-set loss sa UST noong Huwebes. Angat ang Falcons ng isang laro kontra Eagles at  Maroons, na kapwa nahulog sa 4-5, sa karera para sa huling  Final Four berth.

“Bilin namin kanina before the game, talagang ‘yung aggressiveness, ‘yung bawat bola dapat kapag hirapan so ‘yun naman ‘yung ginawa nila kanina even though may mga minor na mga errors pa rin, touch net, service,” wika ni Adamson coach Lerma Giron  matapos ang the one hour, 18 minute match.

“Pero so far so good naman yung performance nila,” dagdag pa niya.