LADY BULLDOGS BAGONG REYNA NG UAAP VOLLEYBALL

UAAP women's volleyball tournament 2022

NATAPOS na rin ang matagal na paghihintay ng National University Lady Bulldogs para sa isa pang UAAP women’s volleyball crown sa makasaysayang pamamaraan sa harap ng hindi magkamayaw na crowd kagabi sa Mall of Asia Arena.

Kinuha ng Sampaloc-based squad ang Season 84 women’s volleyball title makaraang walisin ang De La Salle University, 25-15, 25-15, 25-22, sa Game 2 ng best-of-three Finals.

Ang panalo ay tumuldok sa perfect season ng NU makaraang magtala ng 16-0 mula sa elimination round hanggang finals.

Nakopo ng NU squad ang titulo matapos ang 65-year title drought. Huli silang nagkampeon noong 1957.

Ikatlong koponan pa lamang sila na nakakumpleto ng sweep sa UAAP women’s volleyball, matapos ng La Salle team sa Season 67 na nagtala ng 14-0. Sa Season 77, ang Ateneo de Manila University team na pinangunahan ni Alyssa Valdez ang unang koponan na nagposte ng 16-0 sa isang torneo.