LADY BULLDOGS DIDIKIT SA FINALS

Standings   W L
NU               12 0
DLSU           9 3
UST              8 4
Ateneo         7 5
AdU             6 6
UP                5 7
FEU             1 11
UE               0 12
*Final Four

Mga laro ngayon:
(Mall of Asia Arena)
10 a.m. – UST vs UE
12:30 p.m. – FEU vs NU
4 p.m. – DLSU vs Ateneo
6:30 p.m. – UP vs AdU

HABANG sisikapin ng National University na lumapit sa Finals, papainit naman ang karera para sa semifinals sa penultimate day ng UAAP women’s volleyball eliminations ngayon sa Mall of Asia Arena.

Makakasagupa ng titleholder Ateneo, isang laro ang angat sa Adamson sa pag-aagawan sa No. 4 slot, ang La Salle side na naghahangad na makalayo sa University of Santo Tomas sa karera para sa twice-to-beat incentive, sa kanilang rivalry game sa alas-4 ng hapon.

Galing sa five-set victory kontra Lady Falcons, umaasa ang Blue Eagles (7-5) na mamamayani kontra second-running Lady Spikers, na sa 9-3 kartada ay isang laro ang angat sa Tigresses, para mapahigpit ang kapit sa fourth spot.

Ang Adamson, na nasa labas ng Final Four range na may 6-6 record, ay mapapalaban sa University of the Philippines sa alas-6:30 ng gabi.

Habang kontrolado pa ng Lady Falcons ang kanilang semis destiny, ang kapalaran ng Fighting Maroons na umusad sa susunod na round ay wala na sa kanilang mga kamay.

May 5-7 record, ang UP ay umaasa sa pagkatalo ng Ateneo sa La Salle, sa panalo sa Adamson at sa tagumpay laban sa kanilang Katipunan rivals sa huling araw ng elims sa Huwebes para makuha ang playoff para sa huling semis slot.

Maaaring pumasok ang Lady Falcons sa Final Four kung mawawalis nila ang kanilang huling dalawang laro at umasa na matatalo ang Blue Eagles sa Lady Spikers at Fighting Maroons.

Agad na makauusad ang Ateneo sa semifinals kung magwawagi sa kanilang huling dalawang laro. Makakapasok pa rin ang Blue Eagles sa susunod na round kahit ma-split ang kanilang huling dalawang laro kung hindi makakawalong panalo ang Lady Falcons.

Inaasahang magaan na mananalo ang University of Santo Tomas, nasa third place na may 8-4 record, kontra winless University of the East sa 10 a.m. matinee at magpopokus sa pagkopo ng No. 2 ranking sa pagtatapos ng double-round eliminations.

Makukuha ng Tigresses ang twice-to-beat advantage nang walang anumang kumplikasyon sa playoff kung mamamayani sila sa huling dalawang laro at matatalo ang Lady Spikers sa mga nalalabi nilang laro.

Habang ang nalalabing limang koponan na nasa kontensiyon ay nagbabakbakan para sa mas magandang puwesto sa semifinals o makaiwas sa pagkakasibak, ang Lady Bulldogs ay determinadong makumpleto ang pambihirang 14-0 sweep.

Target ng NU ang ika-13 sunod na panalo sa pakikipagtipan sa Far Eastern University sa alas-12 ng tanghali.

Ang mga panalo kontra Lady Tamaraws ngayon at Tigresses sa huling araw ng eliminations sa Huwebes ay magbibigay sa powerhouse Lady Bulldogs ng puwesto sa best-of-three championship series.