LADY BULLDOGS, LADY FALCONS SALO SA NO. 2

Mga laro sa Miyerkoles:
(Filoil EcoOil Centre)
9 a.m. – UE vs FEU (Men)
11 a.m. – UE vs FEU (Women)
3 p.m. – UST vs Ateneo (Women)
5 p.m. – UST vs Ateneo (Men)

NANATILING nakadikit ang defending champion National University at Adamson sa undefeated La Salle makaraang walisin ang kani-kanilang katunggali sa UAAP women’s volleyball tournament kahapon sa Philsports Arena.

Tumipa si reigning MVP Mhicaela Belen ng 13 points sa 11-of-17 attacks at 7 receptions para sa Lady Bulldogs na dinomina ang second at third set sa 25-23, 25-9, 25-12 panalo kontra University of the East.

Nakakuha ang Lady Falcons ng solid performances mula kina Trisha Tubu at Kate Santiago upang pataubin ang Ateneo, 25-18, 25-23, 25-19.

Umangat ang NU at Adamson sa 4-1 sa joint second.

Kumana si Tubu ng 23 points sa 22-of-39 spikes habang nagpakawala si Santiago ng 11 kills at nakakolekta ng 9 digs at ipinalasap ng Lady Falcons sa Blue Eagles ang kanilang ikatlong sunod na kabiguan.

Habang palapit ang rematch ng Finals noong nakaraang season sa Lady Spikers, ang Lady Bulldogs ay nakapokus sa kung ano ang mayroon ngayon.

“One game at a time. Huwag munang isipin ‘yung La Salle, kailangang mag-perform kaming maigi sa FEU,” sabi ni NU coach Karl Dimaculangan.

Ganito rin ang nasa isip ni libero Jen Nierva. “Every game naman is very important. It’s not just about FEU or La Salle. It’s really how we really play the game as a team and how we improve every single game,” ani Nierva, na nagtala ng 7 digs at 6 receptions.

Nagtala si Alyssa Solomon ng 14-of-21 attacks para sa 15-point effort habang nag-ambag si Erin Pangilinan ng 10 points, kabilang ang 4 blocks, para sa Lady Bulldogs.

Umiskor sina KC Cepada at Van Bangayan ng tig-7 points para sa Lady Warriors, na nabaon sa 0-5.
Ikinatuwa ni coach Jerry Yee ang kanyang namalas sa one-minute, 28-minute romp ng Adamson sa Ateneo.

“’Yung pina-practice namin,‘yung pinag-uusapan namin nae-execute ng mga players kaya masaya kami doon,” sabi ni Yee, kung saan susunod na makakaharap ng Lady Falcons ang Lady Spikers sa Linggo.

Nahulog ang Blue Eagles, pinangunahan ni Faith Nisperos na may 17 points, sa 1-4 katabla ang Fighting Maroons sa sixth place.