TINANGKA nina Cham Maaya at Arah Panique ng NU na isalba ang bola sa kanilang UAAP women’s volleyball match laban sa UP kahapon. UAAP PHOTO
Mga laro sa Sabado:
(Smart Araneta Coliseum)
10 a.m. – AdU vs UE (Men)
12 noon – DLSU vs FEU (Men)
2 p.m. – AdU vs UE (Women)
4 p.m. – DLSU vs FEU (Women)
NALUSUTAN ng National University ang matinding blocking ng University of the Philippines upang maitakas ang 25-21, 30-32, 25-17, 25-19 panalo at mainit na simulan ang kanilang second round campaign sa UAAP women’s volleyball tournament kahapon sa Smart Araneta Coliseum.
Nagpamalas ang Fighting Maroons, na napantayan ang season-high 15 blocks, ng labis na katapangan sa pagwawagi sa extended second set bago nag-regroup ang Lady Bulldogs sa sumunod na dalawang sets upang mamayani sa two-hour, 15-minute contest.
“Yung UP talagang lumaban po sila and talagang ipinakita po nila kung ano yung kaya nilang gawin against us,” sabi ni Bella Belen, na nagbuhos ng 21 points, 14 receptions, at 8 digs.
“Sa team po namin slow start kami at yung utak ng team kahit sinasabi namin na nakamove on na kami sa pagkatalo sa La Salle, I think meron pa rin talagang slight na hindi pa rin nakamove on,” dagdag ng Season 84 MVP.
Sa kanilang ika-6 na panalo sa walong laro, ang NU ay nanatiling nakadikit sa league-leading University of Santo Tomas at defending champion La Salle.
Susunod na makakaharap ng Lady Bulldogs ang Tigresses sa Sabado. Tinalo sila ng UST sa first round.
“Ginagawa ko naman ito para sa team namin kasi may goal naman kami. Since nag slow start kami, kailangan lang din namin ipulido after pagusapan yung mga kulang,“ sabi ni Vange Alinsug, na nakalikom ng 24 points sa 20-of-44 attacks, 3 service aces at 1 block na sinamahan ng 12 receptions.
Ipinasok si Cham Maaya sa starting lineup at humataw ng 11 points habang nagdagdag si captain Erin Pangilinan ng 9 para sa NU.
Patuloy na nagpasiklab si Fighting Maroons rookie Pling Baclay na may 11 points kabilang ang season-high nine blocks.
Nagtala si Steph Bustrillo ng 17 points at 5 digs habang nag-ambag si Nica Celis ng 10 points, kabilang ang 3 blocks, para sa Fighting Maroons.