Mga laro ngayon:
(Ninoy Aquino Stadium)
9 a.m. –– UST vs Southern Mindanao
12 p.m. — LPU vs USPF
2 p.m. — Letran vs CSB
4 p.m. — Xavier University-NM vs Enderun
MAGAAN na dinisparsa ng National University ang Enderun Colleges, 25-19, 25-15, 25-16, para sa mainit na simula sa Pool A ng 2024 Shakey’s Super League (SSL) National Invitationals nitong Miyerkoles sa Ninoy Aquino Stadium.
Pinangunahan nina veteran Vange Alinsug at young winger Kaye Bombita ang balanced scoring ng Lady Bulldogs sa isang oras at 18 minutong sagupaan.
Ang reigning back-to-back SSL Collegiate Preseason Championship titlist ay may 13 players na nag-ambag sa opensa kung saan bumanat si Alinsug ng 12 sa kanyang game-high 14 points mula sa kills.
Makakakuha ng puwesto ang NU sa knockout quarterfinals ng torneo sa isa pang panalo laban sa Xavier University-Northern Mindanao Selection sa Biyernes.
Nagdagdag si Bombita ng 10 points, 9 mula sa kills, habang umiskor si rookie Celine Marsh mula sa bench ng 8 points, kabilang ang 7 sa second set.
Pinaulanan ng NU, nagkampeon sa UAAP Season 86 upang makakuha ng puwesto sa kumpetisyon, ang Enderun ng 45 attack points at sinamantala ang mahinang reception ng kalaban para umiskor ng 8 aces.
Masyadong malakas ang Lady Bulldogs kung kaya hindi masyadong ginamit ni head coach Norman Miguel ang kanyang main guns na sina Bella Belen, Sheena Toring at Arah Panique.
“Masaya po kami sa first win namin, especially na ‘yung goal namin for this tournament is maka-gain ng experience and exposure ‘yung mga ibang players especially ‘yung mga rookies,” sabi ni Miguel.
“Nakita ko din na nag-lead ‘yung mga seniors sa mga baguhan. Hopefully maging maayos ang performance namin at umabot kame sa finals.”
Idinagdag ni Miguel na nais niyang mag-step up ang kanyang bench players upang maihanda sila sa mga darating na laro dahil sasama na sina Belen at Panique sa Alas Pilipinas sa training camp nito sa Japan.
“Since aalis din ‘yung mga members ng national team for their Japan camp, so kelangan talaga namen trabahuhin ‘yung connection ng bawat isa, aside pa sa mga technical skills,” ayon pa kay Miguel.
Si Shane Carmona ang nag-iisang Enderun player sa double figures na may 10 points. Umiskor sina Erika Deloria at Zenneth Perolino ng 6 at 4 markers, ayon sa pagkakasunod.
Samantala, winalis ng Letran ang University of San Carlos, 25-22, 25-14, 25-12, sa Pool D sa likod ng duo nina Nizelle Martin at Lea Tapang.
Ang Lady Knights wingers ay umiskor ng tig- 10 markers at nagtuwang para sa 18 sa 39 kills ng koponan.