LADY BULLDOGS NAMUMURO SA ‘TWICE-TO-BEAT’ INCENTIVE

Standings W L
*DLSU 12 1
*NU 10 3
*AdU 9 4
*UST 9 4
FEU 6 7
Ateneo 4 9
UP 1 12
UE 1 12
*Final Four

Mga sa Sabado:
(Filoil EcoOil Centre)
9 a.m. – NU vs Ateneo (Men)
11 a.m. – NU vs Ateneo (Women)
3 p.m. – UE vs DLSU (Women)
5 p.m. – UE vs DLSU (Men)

NAKAGANTI ang back-to-back title-seeking National University sa kanilang first round loss sa University of Santo Tomas at lumapit sa pagkopo ng nalalabing twice-to-beat slot sa Final Four sa 25-16, 25-21, 17-25, 25-14 panalo sa UAAP women’s volleyball tournament kahapon sa Filoil EcoOil Centre.

Ang panalo ay nagbigay sa NU ng one-game cushion laban sa joint third placers Adamson at UST, kapwa may 9-4 records, sa karera para sa No. 2 ranking.

“We’re very happy po na kung ano ‘yung napagtraining-an namin at napagplanuhan namin ay nadala namin ngayong game. We’re happy na isang game na lang makukuha na namin ‘yung twice-to-beat. One game at a time and we’ll get there,” sabi ni reigning MVP Mhicaela Belen, na tumapos na may 16 points, kabilang ang 3 blocks, at 12 receptions.

“Dapat pagdating ng fourth set ‘yung mindset namin ay huwag kaming magpapatalo kasi laman na po kami ng dalawang set eh so ano ba naman po yung konting push na lang para matapos na yung game. Sabi lang namin kailangan namin sila maunahan kasi once na naunahan po kami nahihirapan po kaming humabol lalo na po maerror po kaming team,” dagdag pa niya.

Nanguna si Alyssa Solomon sa scoring para sa Lady Bulldogs na may 17 points, habang nag-ambag si rookie Vangie Alinsug ng 10 points. Gumawa si Camilla Lamina, nagpakawala ng match-best 3 service aces, ng 14 excellent sets habang nakakolekta si libero Jen Nierva ng 10 digs at 16 receptions.

Makukuha ng NU ang twice-to-beat bonus kapag nanalo ito sa sibak nang Ateneo sa Sabado.

Nanguna si Eya Laure para sa Tigresses na may 17 points subalit nahirapan sa attacks, 15-of-43, habang nagtala si Imee Hernandez ng 5 blocks upang tumapos na may 14 points.

Sa duelo ng also-rans, sa wakas ay nakapasok ang University of the East sa win column at tinapos ang 11-year, 17-match losing skid laban sa University of the Philippines sa 16-25, 25-21, 26-24, 19-25, 15-12 victory.

Tumipa si Khy Cepada ng 19 points, kabilang ang 2 blocks at 13 digs, nagdagdag si fellow rookie Van Bangayan ng 15 points at 17 digs habang si Ja Lana ang isa pang Lady Warrior sa double digits na may 10 points, kabilang ang match winner.

Tatapusin ng UE ang season nito laban sa La Salle, na selyado na ang top ranking sa Final Four sa Sabado.

“Kahit No. 1 sa standing, baka makapuwing kami,” sabi ni coach Jumbo Dimaculangan.