LADY BULLDOGS UMATRAS SA V-LEAGUE

Mga laro ngayon:
(Paco Arena)
10 a.m. – Benilde vs UP (Women)
12 p.m. – FEU vs UST (Women)
3 p.m. – NU vs UST (Men)
5 p.m. – Ateneo vs Letran (Men)

ATRAS na ang National University sa V-League Collegiate Conference dahil lalahok ang reigning UAAP women’s volleyball champions sa dalawang international training camps sa Taiwan at sa VTV Cup sa Ninh Bình, Vietnam.

Inanunsiyo ng liga kahapon ang pag-urong ng Lady Bulldogs kung kaya pito na lamang ang koponan sa women’s field.

Bunga nito, ang four-set win ng NU kontra Letran noong Miyerkoles ay hindi na isasama sa standings.

Magpapatuloy ang aksiyon ngayon sa Paco Arena, kung saan maghaharap ang traditional UAAP rivals Far Eastern University at University of Santo Tomas sa alas-12 ng tanghali.

Pinangungunahan nina Angge Poyos, Reg Jurado at setter Cassie Carballo, target ng Tigresses ang ikatlong sunod na panalo, habang sisikapin ng Lady Tamaraws, sa pangunguna nina Congo’s Faida Bakanke, Gerzel Petallo at playmaker Tin Ubaldo, na putulin ang streak ng kanilang kalaban.

“Kung ano ‘yung mga kulang namin, ‘yun ang pagtutuunan namin. Kung saan kami medyo mahina pa, pagtutuunan namin ng pansin. At yung consistency ng transition namin, iyon naman ang importante,” sabi ni UST coach Kungfu Reyes.

Sa unang laro sa alas-10 ng umaga ay magsasalpukan ang defending V-League champion College of Sain Benilde, asam ang kanilang unang panalo, at ang University of the Philippines.

Sa pangunguna nina Niña Ytang, Irah Jaboneta at Kassie Doering, inaasahang matikas na makikihamok ang Fighting Maroons laban sa Lady Blazers na iniinda pa rin ang pag-alis ng ilang key players mula sa NCAA dynastic rule ng koponan.