LADY BULLPUPS PASOK NA SA Q’FINALS

Mga laro ngayon:
(Paco Arena)

8 a.m. — Arellano vs La Salle-Zobel

10 a.m. –– LPU vs Chiang Kai-shek College

12 p.m. –– Kings’ Montessori vs UST

2 p.m. — EAC vs FEU

4 p.m. — La Salle-Lipa vs California Academy

IBINUNTON ng National University-Nazareth School ang kanilang ngitngit sa University of the Philippines Integrated School, 25-17, 25-20, upang kunin ang isang quarterfinal berth sa 2024 Shakey’s Girls Volleyball Invitational League (GVIL) nitong Lunes sa  Paco Arena.

Bumawi ang Lady Bullpups mula sa devastating loss sa UAAP rival at  quarters-bound Adamson University upang tapusin ang kanilang Pool D campaign sa second spot na may 2-1 kartada.

Nanguna sina Carly Tizon at  Hilalhia Alberto para sa NUNS na may tig-8 points at nagtala ng pinagsamang  12 sa 22 attack points ng koponan habang umiskor si Diza Berayo ng 7  markers, kabilang ang 4 sa closing 8-0 run ng Lady Bullpups sa opening set.

“We opted to let these younger players na maglaro today. Masaya na manalo sila, tapos syempre di mo naman pwede i-underestimate ‘yung UP,”  sabi ni NUNS coach Norman Miguel.

“Kanina ang pino-point out ko lang din sa players namin na ‘yun nga, na wag mo i-underestimate ‘yan kasi nagte-training din ‘yan. Na kung hindi kayo kikilos ng tama, kaya kayong talunin nyan. Dun ko lang sila pinu-push,” dagdag pa niya.

Sa Miyerkoles sa Adamson University gym ay makakaharap ng NUNS sa Pool B ang top seed sa knockout best-of-five sets quarters ng  premier grassroots volleyball tournament ng bansa.

Tumapos si Janella Guarino na may 8 points para sa Junior Fighting Maroons, na tinapos ang kanilang kampanya na may 0-3 marka.

Samantala, napanatiling buhay ng Kings’ Montessori School ang kanilang kampanya na umabante sa knockout rounds makaraang sibakin ang  University of Perpetual Help, 25-17, 25-14, sa Pool C.

Sumandal ang Kings’ Montessori sa balanced scoring para sa kanilang unang panalo matapos ang dalawang laro upang makatabla ang University of Santo Tomas sa second spot sa likod ng quarters-bound Bacolod Tay Tung.

Nagbuhos si winger Shahanna Lleses ng 12 points, pawang mula sa kills, at nagdagdag si Shekaina Lleses ng 9 para sa Kings’ Montessori, na makakasagupa ang Junior Tigresses sa do-or-die match para sa nalalabing quarters berth sa kanilang bracket ngayong araw sa parehong  venue.

Tinapos ng Junior Lady Altas ang kanilang kampanya na winless sa tatlong laro sa kabila ng eight-point effort ni Jemalyn Menor.

Nakopo ng Adamson ang isang quarters seat makaraang gapiin ang NUNS, 25-18, 25-23, noong nakaraang Linggo sa Adamson University gym.

Kumana si Shaina Nitura ng 14 points upang pangunahan ang  Lady Baby Falcons laban sa katunggali na kanilang tinalo sa UAAP Season 86 finals.

Ang reigning UAAP MVP ay bumanat ng 13 attacks at isang ace habang nagtala sina Abegail Segui at Lhouriz Tuddao ng pinagsamang 11 points para sa Adamson, na makakaharap ang  second ranked team sa Pool A sa quarters.

Samantala, nakopo ng last year’s bronze medal winner Bacolod Tay Tung ang isang quarters ticket makaraang dispatsahin ang Perpetual, 25-16, 25-18, upang makumpleto ang three-game sweep sa Pool C noong ­Linggo.