Laro sa Miyerkoles:
(Filoil Flying V Centre)
2 p.m. – CSB vs Arellano
TINAPOS ng Arellano University ang improbable run ng Jose Rizal University sa NCAA women’s volleyball step-ladder stage kasunod ng 19-25, 25-20, 27-25, 25-17 panalo kahapon sa Filoil Flying V Centre.
Kinapos ang Lady Bombers sa fourth set, kung saan kumarera ang Lady Chiefs sa 24-12 kalamangan tungo sa pagkopo ng kanilang ika-4 na sunod na Finals appearance.
Nakataya ang kanilang dynastic reign, makakaharap ng Arellano ang unbeaten College of Saint Benilde sa best-of-three championship series simula sa Miyerkoles.
Ang Lady Blazers ay dumiretso sa Finals makaraang makumpleto ang nine-match sweep sa eliminations, kabilang ang 25-15, 25-15, 25-14 pagdispatsa sa Lady Chiefs noong nakaraang Hunyo 19.
“Magandang challenge ito para sa amin,” sabi ni coach Obet Javier, na sa kanyang 10 seasons sa Arellano ay may apat na titulo.
Hataw si second year opposite spiker Pau de Guzman, na nag-substitute kay Cess Bello sa huling bahagi ng first set, para sa Lady Chiefs na may 19 points, kabilang ang tatlong service aces.
Kumana si Trina Abay ng 3 blocks para sa 14-point outing, gumawa rin si Carla Donato ng 3 blocks para tumapos na may 13 points, habang nag-ambag si Nicole Sasuman ng 12 points para sa Arellano.
Nagpakawala si Charmina Diño ng dalawang aces para sa 11-point effort at nakakolekta ng16 digs para sa Lady Chiefs.
Nagtala si Arellano libero Cherry Mae Cuenca ng 21 digs at 13 receptions habang nag-toss si setter KC Adante ng 30 excellent sets.
Nanguna si Sydney Niegos para sa Lady Bombers na may 15 points, kabilang ang 2 service aces, habang hataw si Riza Rose ng 3 blocks at 3 aces para sa nine-point outing.
Sa kanilang final game para sa JRU, kumubra si Dolly Verzosa ng 10 points at 21 digs habang umiskor si Kia Melgar ng 9 points, kabilang ang 3 blocks.