BAGUIO CITY-UMANI ng papuri ang isang babaeng pulis mula sa lalawigang ito matapos mag-donate ng kaniyang breastmilk sa mga sanggol na nangangailangan ng tunay at masustansiyang gatas ng ina.
Dahilan upang pagkalooban ng papuri si Corporal Aimarie Boadilla ng Camdas Police Station sa natatangi niyang paraan ng pahahandog ng serbisyo sa publiko sa pamamagitan ng pagbibigay ng kaniyang sariling gatas sa mga sanggol na hindi kayang pasusuhin ng kanilang ina.
Ayon kay Philippine National Police (PNP) Chief General Guillermo Eleazar, kapuri-puri ang ginawa ni Boadilla na parang paghahandog na rin ng buhay para sa mga sanggol na nangangailangan ng pantawid buhay.
Ayon sa PNP Chief, “ang ginawa ni Boadilla ay isang tunay na pagmamalasakit na lagpas na sa hinihingi ng kaniyang tawag sa tungkulin.”
“Ang kagaya ni PCpl Boadilla ang nagpapatunay na likas sa mga pulis, lalo na sa mga personnel natin na nanay rin, ang pagkakaroon ng malasakit sa kapwa, lalo na sa mga bata,” ayon kay Eleazar.
Sinabi pa nito,ipinakita ni Boadilla na ang kagaya niya na isang nanay na pulis ay hindi makasarili at handang tumugon sa pangangailan ng kanyang kapwa.
Umaasa si Eleazar na magiging inspirasyon sa iba pang pulis si Boadilla at tiniyak na mabibigyan siya ng pagkilala sa kaniyang mabuting gawain.
“Ipakita natin sa publiko na handang tumulong ang kapulisan sa kahit anong paraan,”giit ni Eleazar. VERLIN RUIZ
Comments are closed.