Mga laro ngayon:
(Mall of Asia Arena)
8 a.m. – AdU vs UP (Men)
10 a.m. – NU vs Ateneo (Men)
2 p.m. – UE vs FEU (Women)
4 p.m. – UP vs Ateneo (Women)
SISIKAPIN ng Ateneo na mapatatag ang kapit sa No. 1 spot sa pagsagupa sa University of the Philippines sa UAAP Season 81 women’s volleyball tournament ngayong alas-4 ng hapon sa Mall of Asia Arena.
Nagwagi ang Lady Eagles sa kanilang unang paghaharap, 25-21, 25-15, 28-26, subalit kinailangang malusutan ang pagbabanta ng Lady Maroons sa third set noong nakaraang Marso 10.
May 7-1 record, ang Ateneo ay unti-unting lumalayo sa mga katunggali, habang ang UP ay may 5-3 kartada.
Nananatiling kumpiyansa si coach Godfrey Okumu na makakayanan ng Lady Maroons ang matinding pressure at mapipigilan ang seven-match winning run ng Lady Eagles sa ‘Battle of Katipunan’.
“Is this the peak of UP? No. I still feel there’s more to come,” wika ni Okumu makaraang pataubin ng kanyang koponan ang defending champion De La Salle sa ikalawang pagkakataon ngayong season noong nakaraang Linggo.
“We still can play better. It’s just a matter of time,” dagdag pa niya.
Samantala, umaasa ang Far Eastern University na magiging maganda ang kanilang laro na wala si injured open spiker Lycha Ebon sa pagharap sa University sa alas-2 ng hapon.
Si Ebon ay sumasailalim pa rin sa ebalwasyon makaraang magtamo ng knee injury sa five-set win laban sa Adamson University noong Linggo.
Ang FEU ay kasalukuyang katabla ng UP sa fourth place na may 5-3 record.
Sa men’s division, itataya ng titleholder National University ang liderato laban sa Ateneo sa alas-10 ng umaga matapos ang Adamson University-UP duel sa alas-8 ng umaga.