NALUSUTAN ng Ateneo Lady Eagles ang matikas na pakikihamok ng Far Eastern University Lady Tamaraws, 25-20, 21-25, 25-23, 25-14, upang makabalik sa finals sa UAAP Season 81 women’s volleyball tournament kahapon sa FilOil Flying V Centre.
Sumandal ang Lady Eagles, nawala sa finals noong nakaraang taon, kina Kat Tolentino, Bea de Leon at Maddie Madayag upang apulahin ang mainit na paghahabol ng FEU sa ‘do-or-die’ Final Four kahapon sa Filoil Flying V Centre.
“Sobrang mas mahirap sa women’s makapasok sa finals,” wika ni head coach Oliver Almadro, na ginabayan ang Ateneo men’s team sa limang sunod na finals appearances bago nagmando sa Lady Eagles. “But they’re here, because they really wanted na makarating dito.”
Sa panalo ay naisaayos ng Ateneo ang best-of-three finals series laban sa University of Santo Tomas, ang No. 2 seed na sumibak sa La Salle noong nakaraang Linggo upang kunin ang unang finals berth.
Nakatakda ang Game 1 ng best-of-three title series sa Sabado, Mayo 11, sa Araneta Coliseum.
Kumana si Tolentino ng 19 points mula sa 17 attacks habang nag-ambag sina Maddie Madayag at Ponggay Gaston ng tig-12 points.
“It’s about believing in the team and believing in each other,” ani Tolentino.
Tinapos nina Jer Malabanan at Heather Guinoo closed ang kanilang UAAP careers na may 18 at 12 points, ayon sa pagkakasunod.
Comments are closed.