LADY FALCONS TUMATAG SA NO. 2; LADY BULLDOGS BALIK SA PORMA

Standings W L
DLSU 9 0
AdU 7 2
UST 6 3
NU 6 3
FEU 4 5
Ateneo 3 6
UP 1 8
UE 0 9

Mga laro ngayon:
(Smart Araneta Coliseum)
10 a.m. – UE vs FEU (Men)
12 noon – UE vs FEU (Women)
2 p.m. – DLSU vs UST (Women)
4 p.m. – DLSU vs UST (Men)

NAITALA ng Adamson ang una nitong elimination round head-to-head sweep sa Ateneo sa loob ng 14 taon at pinahigpit ang kapit sa second spot sa 25-23, 25-17, 26-24 panalo sa UAAP women’s volleyball tournament kahapon sa Araneta Coliseum.

Matapos ang matagumpay na challenge ng Blue Eagles sa isang initial call na lumabas ang spike ni Faith Nisperos, kinamada nina Trisha Tubu at Lucille Almonte ang dagger kills para sa Lady Falcons upang mapagtagumpayan ang extended third set.

“We used the timeout, and then meron pa naman isang puntos bago sila mag tie so I’m trying to relay na walang pressure, lalaro lang, relax,” sabi ni Adamson coach Jerry Yee.

Tumapos si Kate Santiago na may 18 points, kabilang ang 3 service aces, at 9 digs habang nagdagdag si Tubu ng 17 points, kabilang ang 2 blocks, para sa Lady Falcons.

May 7-3 record, ang Adamson ay angat ng isang laro sa National University, na naibalik ang winning ways sa 25-21, 27-25, 25-20 pagdispatsa sa University of the Philippines, at University of Santo Tomas.

Ang Lady Falcons ay nakakuha rin ng suporta kina Lorene Toring, na umiskor ng 9 points;

Lucille Almonte, na may 8 points, 16 receptions at 8 digs, at substitute middle blocker Aprylle Tagsip, na nag-ambag ng 7 points.

Ito ang unang pagkakataon na winalis ng Adamson ang Ateneo sa elims magmula noong 2008-09 season, ang huling pagkakataon na hindi nakapasok ang Katipunan-based side sa Final Four.

Kumana si reigning MVP Mhicaela Belen ng 19 points at 11 receptions habang nagdagdag si Cess Robles ng 11 points para sa Lady Bulldogs na nakumpleto ang elimination round head-to-head sweep sa Fighting Maroons at umangat sa 6-3.

Nahirapan ang Lady Bulldogs sa extended second set, ngunit masaya pa rin na nagawang ma-sweep ang Fighting Maroons.

“Kanina kasi sabi ko sa kanila nung first round four sets kami ng UP so nagset kami ng goal na kailangan this time straight sets lang kung kaya,” sabi ni Robles sa ika-6 na panalo ng NU upang makatabla ang University of Santo Tomas sa third at fourth spots.

Nanguna si Alyssa Bertolano para sa Fighting Maroons na may 12 points at 13 receptions, humataw si Nica Celis ng 3 blocks para sa 11-point outing habang nagdagdag si Niña Ytang ng 10 points, kabilang ang 2 blocks.

Nalasap ng UP ang ika-6 na sunod na kabiguan at ika-8 overall sa siyam na laro. Naputol ang two-match winning streak ng Blue Eagles upang mahulog sa 3-6 kartada sa sixth spot.