LADY FRONTLINER TINAMBANGAN

pinagbabaril

LAGUNA – NASAWI sa pananambang ng tatlong hindi pa nakikilalang bilang ng mga suspek ang 39-anyos na babaeng Brgy. Kagawad habang papauwi ito ng kanyang tirahan sa Paterno St., Purok 7, Brgy. Dela Paz, lungsod ng Biñan kahapon ng madaling araw.

Ayon sa isinumiteng ulat ni PLt. Col. Danilo Mendoza, hepe ng pulisya kay Acting Laguna PNP Provincial Director PCol. Serafin Petalio II, nakilala ang biktimang si Melody Quijano y Arcega, Brgy. Kagawad, residente ng nasabing lugar.

Sa imbestigasyon, bandang ala 1:55 ng madaling araw ng maganap ang insidente habang aktong lulan sa kanyang mina-manehong motorsiklo papauwi ng kanilang tirahan ang biktima mula sa inilatag na Barangay Quarantine Control checkpoint sa lugar.

Nabatid na nagawang huminto sa isang hump ang biktima bago biglaang sumulpot ang mga suspek at malapitan itong pinagbabaril hanggang sa bumulagta sa kalsada.

Mabilis na nagsitakas ang mga suspek lulan sa motorsiklo patungo ng kabayanan samantalang agaran naman isinugod sa Unihealth Hospital ang biktima ng nagresponding miyembro ng Binan City Response Team kung saan doon ito binawian nang buhay makalipas ang mahigit na isang oras bunsod ng tinamong mga tama ng bala sa kanyang ulo.

Samantala, lumilitaw sa report na isa sa itinalagang frontliner ang biktima sa kanilang Barangay at anak ng namayapang City Councilor na si Freddie Arcega.

Kaugnay nito, sinabi ni Mendoza na patuloy silang nagsasagawa ng malalimang imbestigas­yon sa kaso.

At bilang isang frontliner sa lugar, inaalam pa ng mga ito kung may kaugnayan umano sa kanyang mga personal na gawain ang isa sa posibleng motibo sa krimen. DICK GARAY

Comments are closed.