DEAD on the spot ang isang lady guard makaraang manlaban nang biglang agawin ang kaniyang service firearm ng dalawang miyembro ng ‘Agaw Armas’ na magkaangkas sa motorsiklo sa Quezon City.
Ang biktima na namatay noon din sanhi ng tinamong maraming tama ng bala ng cal. 45 sa iba’t ibang bahagi ng katawan ay nakilalang si Domelita Docena Jungao, 32-anyos, security guard at residente ng Mapulang-Lupa, Pandi III, Bulacan.
Sa report ng Criminal Investigation and Detection Unit ng Quezon City Police District (CIDU-QCPD), bandang alas-6:40 ng gabi (Agosto 26) nang maganap ang insidente sa No. 33 Xavierville Avenue, Barangay Loyola Heights. Quezon City.
Batay sa inisyal na imbestigasyon ni Cpl Lorenz N Mappala ng CIDU, nagbabantay sa nasabing lugar ang lady guard nang biglang dumating ang dalawang lalaki na magkaangkas sa motorsiklo na walang plaka at biglang inagaw ang baril nito.
Pero nanlaban ang lady guard kaya’t bumunot ng baril ang isa sa mga suspek saka sunud -sunod na pinaputukan ang biktima.
Nang duguang bumulagta ang lady guard ay agad na kinuha ng isa sa mga suspek ang service firearm nito saka mabilis na tumakas.
Samantala sa CCTV footage na nakakabit sa Rumble Royal establishment, ang suspek na nagmamaneho ng motorsiklo ay nakasuot ng black jacket, maong pants, helmet at may dalang sling bag habang ang back rider ay nakasuot din ng jacket, maong pants at helmet.
Nasamsam sa crimes scene ng SOCO team na pinamumunuan ni Maj. Joseph Infante ang apat na fired cartridge cases ng caliber 45.
Nagsasagawa na ng follow-up operation ang mga awtoridad upang madakip ang mga suspek.
EVELYN GARCIA
Comments are closed.