Mga laro ngayon:
(San Andres Sports Complex)
9 a.m. – LPU vs Benilde (Men)
12 noon – LPU vs Benilde (Women)
2 p.m. – Arellano vs Mapua (Women)
4:30 p.m. – Arellano vs Mapua (Men)
NAIPUWERSA ng Letran ang five-way tie sa second place kasunod ng 20-25, 25-22, 25-22, 29-27 panalo laban sa San Sebastian sa NCAA women’s volleyball tournament kahapon sa San Andres Sports Complex.
Ipinagkaloob ni Judiel Nitura ang finishing touches para sa Lady Knights sa pamamagitan ng kill – ang kanyang ika-17 puntos sa match – na pumawi sa pag-asa ng Lady Stags na maipuwersa ang fifth set at maiposte ang kanilang unang winning streak sa season.
May 3-1 record, ang Letran ay tumabla sa Arellano University, University of Perpetual Help System Dalta, Lyceum of the Philippines University at Mapua sa second place sa likod ng defending champion College of Saint Benilde, na may perfect 4-0 record.
Samantala, sa wakas ay nakapasok din ang Emilio Aguinaldo College sa win column sa 25-23, 24-26, 25-19, 18-25, 15-12 pagdispatsa sa San Beda.
Nagbuhos si Cha Cuñada ng 16 points, kabilang ang 2 blocks, at 15 receptions, habang nakalikom ang kanyang beach volleyball partner na si Lara Silva ng 20 digs at 19 receptions.
Nagposte si Lea Tapang ng 15 points at 8 digs habang si Daisy Melendres ang isa pang Letran player na nagtala ng double digits na may 13 points, kabilang ang 2 service aces at 2 blocks.
Pinakawalan ni Nitura ang tatlo sa pitong aces ng Lady Knights’ habang gumawa si Natalie Estreller ng 11 excellent sets.
Nanguna si Tina Marasigan para sa Lady Stags na may 18 points, habang nag-ambag si KJ Dionisio ng 16 points, 19 receptions at 13 digs. Umiskor sina Kath Santos at Amaka Tan ng tig-14 points.
Kumubra si Cathrine Almazan ng 24 points, kabilang ang 4 service aces, 16 digs at 13 receptions, habang nagdagdag sina Jamaica Villena at Jennifer Omapas ng 12 points para sa Lady Generals, na pinutol ang three-match slide.
Tumabla ang San Sebastian at San Beda sa walang larong Jose Rizal University sa 0-4.