LADY MAROONS PINAAMO ANG TIGRESSES

Mga laro bukas:

(Mall of Asia Arena)

10 a.m. – UE vs NU

12 noon – Ateneo vs FEU

4 p.m. – AdU vs UP

6 p.m. – DLSU vs UST

DINISPATSA ng University of the Philippines ang University of Santo Tomas, 25-21, 23-25, 25-21, 25-22, para manatiling walang talo sa UAAP women’s volleyball tournament kahapon sa Mall of Asia Arena.

Ang panalo ay naitala sa bisperas ng posibleng koronasyon ng Fighting Maroons bilang men’s basketball kings na kahit paano ay nagpataas sa morale ng women’s volleyball squad, na target ang unang Final Four appearance nito magmula noong  2016.

“Siguro, inspiration sa amin iyon. ‘Yun nga, one win na lang magtsa-champion na sila,” sabi ni Lorie Bernardo, na naitala ang 3 sa 10 blocks ng UP.

“Which means itong laban namin na ito, parang ipapakita namin sa basketball na kaya rin naming lumaban sa championship.”

“That’s very true. We get inspired by our basketball team. We are happy for them. We wish them the best of luck in tomorrow’s game (against Ateneo). We believed they got this, they’re gonna win, yeah its gonna be 2-0, then we do the same,” ani Fighting Maroons coach Godfrey Okumu.

Sa kanilang ikatlong sunod na panalo, tinatamasa ngayon ng UP ang pinakamatikas na simula magmula noong 2017 nang simulan ng Diliman-based spikers ang season sa 4-0.

Pinangunahan ni captain Jewel Encarnacion ang scoring para sa Lady Fighting Maroons na may 16 points, kabilang ang dalawang service aces, na sinamahan ng 14 receptions at 11 digs.

Nagtala si Alyssa Bertolano, ang leading scorer ng liga, ng 3 blocks at 2 service aces upang tumapos na may 15 points at nakakolekta ng 11 receptions, habang gumawa sina Niña Ytang, Lorie Bernardo at  Jai Atienza ng tig-9 points.

Sa iba pang laro, kumana si Chenie Tagaod ng 20 kills nang maitala ng Far Eastern University ang unang panalo kontra University of the East, 19-25, 25-15, 25-20, 17-25, 15-10.

Halos mag-isang binuhat ni Eya Laure ang Tigresses sa pagkamada ng career-high 28 points makaraang lumiban si injured middle blocker Imee Hernandez sa ikalawang sunod na laro.

Nalasap ng Tigresses ang unang pagkatalo matapos simulan ang season sa back-to-back straight-set romps.

“It was not an easy game. UST is a very, very strong team, they are very experienced, and they have a good coaching staff who would know how to read a game. So, it’s a win yes, but it wasn’t easy for us. We really worked hard for this and I hope the girls will continue fighting the same way,” sabi ni Okumu.

Ipinuwersa ng Lady Warriors ang Lady Tamaraws sa fifth set sa likod nina Ja Lana at Ercae Nieva subalit hindi sapat ang kanilang pagsisikap para maisalba mula sa ikatlong sunod na pagkatalo.

Tumipa si Lana ng 20 points, kabilang ang tatlong blocks, habang nag-ambag si Nieva ng 19 points at 17 digs para sa UE.