Mga laro sa Miyerkoles:
(Filoil EcoOil Centre)
12 noon – Arellano vs San Beda (Men)
2 p.m. – Perpetual vs LPU (Women)
DINISPATSA ng Lyceum of the Philippines University ang Mapua, 25-18, 25-23, 29-31, 26-24, upang lumapit sa NCAA women’s volleyball Finals nitong Linggo sa Filoil EcoOil Centre.
Nakopo ng Lady Pirates ang kanilang kauna-unahang Final Four win, salamat sa go-ahead kill at sa match-clinching service ace ni Zonxi Dahab.
Susunod na makakalaban ng LPU ang No. 2 University of Perpetual Help System Dalta sa ikalawang step-ladder match para sa karapang makaharap ang unbeaten College of Saint Benilde sa Finals sa Miyerkoles sa San Juan arena.
Umabante ang Lady Pirates sa Final Four sa unang pagkakataon magmula nang sumali sa liga noong 2011.
“Actually sobrang laking bagay sa amin kasi sabi nga, nagkaroon na kami ng way. Nabigyan kami ng way na we can…na kaya naming pumasok ng Final Four,” sabi ni coach Cromwel Garcia.
“I think ito na parang ang umpisa ng tuloy-tuloy na progress ng sports development sa amin. Malaking bagay talaga especially sa buong LPU community kasi these girls, na nagpakahirap na nandito na sa biggest stage,” dagdag ng second-year mentor.
Nanguna si Joan Doguna para sa Lady Pirates na may 22 points habang nag-ambag si Johna Dolorito ng 14 points, 11 receptions at 9 digs.
Nagtala si Dahab ng 4 blocks at 3 service aces habang si Jaja Tulang ang isa pang LPU player sa double digits na may 10 points.
Kumubra si rookie Roxie dela Cruz ng 20 points at 13 digs habang nag-ambag si Tere Manalo ng 15 points para sa Lady Cardinals.