DALAWANG koponan ang hindi muna maglalaro sa nalalapit na Premier Volleyball League (PVL) 2022 season na nakatakdang lumarga sa February 16.
Ayon sa PVL, kapwa nagpasiya ang Sta. Lucia Lady Realtors at ang Perlas Spikers na huwag lumahok ngayong season dahil sa “uncertainties” na dulot ng nagpapatuloy na COVID-19 pandemic.
“It was a heavy decision that the company had to make but the ongoing pandemic has brought about a lot of uncertainties,” wika ni Sta. Lucia team manager Buddy Encarnado sa isang statement na inilabas sa website ng liga.
Makaraang lumipat sa PVL mula sa Philippine Superliga (PSL) noong nakaraang taon, tinapos ng Lady Realtors ang 2021 PVL Open Conference sa fifth place sa pangunguna nina veterans Mika Reyes, Aiza Maizo-Pontillas, at Jonah Sabete.
Ang pandemya rin ang dahilan ng Perlas sa pagbabakasyon sa liga.
“We regret to inform everyone that, with the ongoing pandemic, the Perlas management has decided to take a leave of absence in the upcoming PVL tournament,” pahayag ng Perlas sa isang statement.
“We wish the tournament well and we continue to support the growth of Philippine volleyball.”
Naging masalimuot ang kampanya ng Perlas noong nakaraang season makaraang tamaan ng virus ang ilan sa mga miyembro nito, gayundin ang isang coach, dahilan para ipagpaliban ng PVL ang mga laro nito.
Tinapos ng Perlas ang season na nasa laylayan na may 1-8 kartada.