LADY SPIKERS NAKAULIT SA LADY BULLDOGS

Mga laro sa Miyerkoles:
(Mall of Asia Arena)
10 a.m. – UE vs UST (Men)
12 noon – UE vs UST (Women)
2 p.m. – FEU vs DLSU (Women)
4 p.m. – FEU vs DLSU (Men)

NAGPATULOY ang dominasyon ng De La Salle Lady Spikers kontra National University Lady Bulldogs sa pagsisimula ng second round ng UAAP women’s volleyball tournament kahapon sa Philsports Arena.

Sa kabila ng dikit na iskor, winalis ng Lady Spikers ang defending champions Lady Bulldogs, 26-24, 26-24, 25-16, kung saan nagbalik si head coach Ramil de Jesus sa koponan.

Ang La Salle ay nanatiling walang talo sa walong laro habang ipinalasap sa NU ang kanilang ikatlong kabiguan para sa 5-3 record.

Ito ang unang laro na ginabayan ni De Jesus ang Lady Spikers makaraang mag-skip sa buong first round ng kumpetisyon.

Samantala, muling dinomina ng Adamson University ang University of Santo Tomas, 11-25, 25-21, 25-13, 25-22, upang mapatatag ang kapit sa No. 2 spot.

Hindi tulad sa kanilang straight-set romp sa first round, ang Lady Falcons ay natalo sa opener bago nagwagi sa sumunod na dalawa at humabol sa Tigresses sa fourth bago namayani sa one-hour, 58-minute match.

May 6-2 record, ang Adamson ay nanatiling nakadikit sa league-leading La Salle.

Umiskor si Trisha Tubu ng 21 points, kabilang ang 6 blocks, nagpakawala si Lucille Almonte ng 2 service aces para sa nine-point outing, 13 digs at 4 receptions habang nagtala rin si Kate Santiago ng 9 points para sa Lady Falcons. Gumawa si Louie Romero ng 19 excellent sets para sa San Marcelino-based squad.

“Sabi ko sa mga kasama ko, mabigat ‘yung katawan namin. Kailangang mag-perform nang maayos at makuha ang panalo,” wika ni Romero hinggil sa malamig na first set ng koponan.

Kumana si Eya Laure ng 5 service aces para sa 17-point outing na sinamahan ng 12 receptions at 11 digs habang nagdagdag si Imee Hernandez ng 14 points, kabilang ang 2 blocks at 2 service aces, para sa Tigresses.

Nanatili ang UST, nsgbigay ng 32 points mula sa errors, sa fourth spot na may 5-3 marka.

Sa iba pang laro ay tumipa si Jov Fernandez ng 14 points, kabilang ang 3 blocks, at 9 digs upang pangunahan ang Far Eastern University sa 25-22, 25-19, 25-20 pagwalis sa University of the Philippines.

Umangat ang Lady Tamaraws sa 4-4, naghahabol sa Tigresses ng isang laro sa karera para sa huling Final Four berth.

“Magandang balita ito. I mean para sa team magandang motivation ‘yung win and coming to the second round yun talaga ang aim namin eh, yung win,” sabi ni first-year FEU coach Tina Salak.

Sa curtain raiser, umiskor si Faith Nisperos ng 18 points, kabilang ang 5 blocks, nang maitakas ng Ateneo ang 25-16, 25-23, 22-25, 25-19 panalo kontra University of the East upang umangat sa 3-5 kartada.