LADY SPIKERS PERFECT PA RIN

Standings W L
DLSU 6 0
NU 5 1
UST 5 2
AdU 4 2
FEU 3 4
Ateneo 2 5
UP 1 5
UE 0 7

Mga laro sa Miyerkoles:
(Mall of Asia Arena)
10 a.m. – AdU vs UP (Men)
12 noon – AdU vs UP (Women)
2 p.m. – DLSU vs NU (Women)
4 p.m. – DLSU vs NU (Men)

SUMANDIG sa kanilang malaking height advantage, nalusutan ng La Salle ang first set loss upang matakasan ang Adamson, 22-25, 25-14, 25-16, 25-19, at mahila ang kanilang perfect run sa anim na laro sa UAAP women’s volleyball tournament kahapon sa Filoil EcoOil Centre.

Ang Lady Falcons ay binigo ng solid net defense ng Lady Spikers kung saan nagtuwang ang twin towers nina Fifi Sharma at Thea Gagate sa 11 ng 14 blocks ng koponan.

Tatapusin ng La Salle, na nasa kanilang pinakamagandang simula buhat nang buksan ang 2014-15 (Season 77) campaign sa 6-0, ang kanilang first round campaign laban sa National University sa rematch ng championship noong nakaraang taon sa Miyerkoles sa Mall of Asia Arena.

Nakabawi si rookie Angel Canino sa maagang struggles upang pangunahan ang Lady Spikers na may 21 points at 7 receptions.

“’Yung first set medyo sobrang shaky nung start namin siguro dahil medyo nangangapa si Angel, ilang days din siya hindi nakapag-training dahil under the weather so yesterday lang siya naka-training so nangangapa pa nga,” sabi ni La Salle interim coach Noel Orcullo sa kanilang first set downer.

“Pinaalalahanan ko lang naman after ng first set na bumalik dahil kailangan, so ayun nagising siguro,” dagdag pa niya.

Humataw si Gagate ng 5 blocks para sa 16-point effort habang nagdagdag si Sharma ng 12 points, kabilang ang season-high 6 blocks at 2 service aces para sa Lady Spikers.

“Overall, I’m really proud of how we performed today,” ani Sharma. “We have prepared for this during the whole break. Like everyone they are giving 100 percent during the trainings and it was a different feeling when inside the court. I was like…everyone went to fight today.”

Sa iba pang laro, umiskor si Vanie Gandler ng 17 points, kabilang ang 2 blocks at 2 service aces, habang nag-ambag si Faith Nisperos ng 14 points at 5 digs para sa Ateneo na pinutol ang four-match losing skid sa 25-16, 25-20, 25-22 laban sa Katipunan rival University of the Philippines.

Umangat ang Blue Eagles sa 2-5 kartada, habang ipinalasap sa Fighting Maroons ang kanilang ika-5 talo sa anim na laro.

“I thank the players for accepting the challenge. I just challenge them to take pride and have a strong character in this game, no matter what, kung sino man yung kalaban,” sabi ni Ateneo coach Oliver Almadro. “We missed this feeling. We really hope na…sabi ko sa kanila sa message ko sa kanila kaninang umaga na ‘today is the start of something for tomorrow’.”

Umiskor si Trisha Tubu ng 13 points habang nag-ambag si Lucille Almonte ng 9 points at 10 receptions para sa Lady Falcons, na nahulog sa fourth place na may 4-2 record.

Nanguna si Jewel Encarnacion para sa UP na may 11 points, 9 digs at 9 receptions habang kumamada si Niña Ytang ng 4 blocks para sa seven-point outing.