LADY SPIKERS VS LADY BULLDOGS SA FINALS

Mga laro sa Linggo:
(Smart Araneta Coliseum)
2 p.m. – UST vs FEU (Men Step-ladder)
4 p.m. – DLSU vs NU (Women Finals)

SUMAMPA ang La Salle sa Finals sa ikalawang sunod na season sa 26-24, 25-22, 20-25, 25-19 panalo kontra UAAP women’s volleyball rival University of Santo Tomas sa harap ng 8,014 fans kahapon sa Araneta Coliseum.

Nanguna si Angel Canino para sa Lady Spikers na may 19 points at 10 digs.

Naisaayos ng back-to-back title-seeking National University ang Finals rematch sa La Salle nang malusutan ang pagkatalo sa first set upang itarak ang 22-25, 25-22, 25-12, 25-15 panalo laban sa Adamson sa isa pang Final Four pairing.

Sisimulan ng Lady Spikers at Lady Bulldogs, na nakumpleto ang perfect 16-0 campaign na tumapos sa 65-year drought noong nakaraang season, ang kanilang best-of-three series sa Linggo sa Big Dome.

Nagbuhos si reigning MVP Mhicaela Belen ng career-high 29 points, kabilang ang 5 blocks, at 19 receptions habang kumamada si Alyssa Solomon ng 3 blocks para sa 21-point showing para sa NU.

Isang potential missing puzzle para sa La Salle upang makuha ang kanilang 12th championship overall – at ang una magmula nang makopo ang three-peat noong 2018 – binalewala ni Canino ang lahat ng ingay na masusungkit niya ang pinakamataas na individual award ng liga.

“Actually nagulat lang po ako na habang nagse-serve ako, nagtsa-chant sila ng ganoon. Hindi ko naman masyadong iniisip. Sinsabi ko sa sarili ko na focus lang, focus lang, hindi pa tapos lang laban nasa semis pa lang,” sabi ni Canino.

“Binabalewala ko lang po yung sinasabi ng mga tao kasi naglalaro pa. Hindi pa tapos ang UAAP,” dagdag pa niya.

Naiganti ng top-ranked Lady Spikers hindi lamang ang nag-iisa nilang talo sa kamay ng Tigresses kundi maging ang kanilang kabiguan sa Season 81 Final Four noong 2019.

“Happy dahil ayun nga, na-redeem namin yung pagkatalo namin nung second round so eto, nasa finals na. Pero hindi pa tapos ito, mahaba pa kaya kailangan pa namin mag-traning at mag-improve pa,” wika ni La Salle assistant coach Noel Orcullo.

Nagdagdag si Jolina dela Cruz ng 10 points at 8 receptions. Kumana si Thea Gagate ng 5 blocks para sa nine-point outing habang bumanat si Lady Spikers’ substitute opposite spiker Alleiah Malaluan ng 9 kills.