PINAGTULUNGANG depensahan nina Thea Gagate at Julia Coronel ng De La Salle si Casiey Dongallo ng UE. UAAP PHOTO
Mga laro sa Sabado:
(Mall of Asia Arena)
10 a.m. – UST vs Ateneo (Men)
12 noon – AdU vs FEU (Men)
2 p.m. – UST vs Ateneo (Women)
4 p.m. – AdU vs FEU (Women)
DINOMINA ng defending champion La Salle ang University of the East sa tatlong sets, 25-21, 25-18, 25-10, para sa ikalawang sunod na panalo sa UAAP women’s volleyball tournament kahapon sa Mall of Asia Arena.
Tumukod ang Lady Warriors, na inilagay si rookie Casiey Dongallo sa middle blocker position sa unang dalawang sets, sa third set na nagselyo sa panalo ng Lady Spikers.
Umangat sa 4-1, naitala ng La Salle ang ikalawang sunod na three-set romp makaraang matalo sa league-leading University of Santo Tomas.
Nanguna si Angel Canino para sa Lady Spikers na may 17 points sa 16-of-31 attacks at nakakolekta ng 9 digs at 7 receptions, Naitala ni Thea Gagate ang lima sa kanyang siyam na puntos mula sa blocks habang nagtala rin si Shevana Laput ng 9 points na sinamahan ng 4 digs.
Sa kabila ng straight-set win, inamin ni lead deputy Noel Orcullo na umaasa pa rin ang La Salle sa mas marami pang dominant victory dahil binalewala nito ang struggling foes.
“Actually medyo nakulangan kami kasi nga ‘yung first two sets hindi naging maganda ‘yung galaw, mostly ‘yung iniiskor ng kalaban puro errors. Sabi nga ni coach (Ramil de Jesus), bigyan ninyo ng respeto. Parang nawala ‘yung respeto nung first two sets,” sabi ni Orcullo.
“Mas nag-focus lang kami more on sa bawi kasi ‘yun nga sa first two sets, marami kaming errors masyado so mas nag-focus kami na i-lessen pa ‘yung errors,” ani Gagate matapos gumawa ang Lady Spikers ng 21 errors.
Makaraang maabot ang 20-point barrier sa unang apat na laro, si Dongallo ay umiskor lamang ng 15, ang kanyang season-low, upang pangunahan ang Lady Warriors. Naitala ni Dongallo ang lahat ng 3 blocks ng UE.
Halos hindi makapagsalita si Dongallo sa kanyang kauna-unahang meeting kay Canino, ang Rookie-MVP noong nakaraang season
“Magaling si ate Angel,” sabi ni Dongallo, na nakakolekta ng 10 digs.
Nahulog ang Lady Warriors, na hindi pa rin kasama si suspended coach Jerry Yee, sa 1-4.