LADY STAGS SUMALO SA SECOND PLACE

Mga laro bukas:
(Paco Arena)
12 noon – Perpetual vs Mapua
2:30 p.m. – EAC vs CSB

GUMAWA si rookie Kat Santos ng clutch kills sa fifth set upang pangunahan ang San Sebastian sa 24-26, 19-25, 32-30, 25-5, 15-11 panalo laban sa Jose Rizal University at sumosyo sa ikalawang puwesto sa NCAA women’s volleyball tournament kahapon sa Paco Arena.

Binigyan ni Santos ang Lady Stags ng 14-8 bentahe bago naisalba ng Lady Bombers ang tatlong match points, kabilang ang kill ni Dolly Verzosa.

Hindi na maawat ang San Sebastian sa pagkakataong ito kung saan kumana si Santos ng match-clinching kill upang tulungan ang kanyang koponan na makatabla ang titleholder Arellano University sa ikalawang puwesto sa 3-1.

Nanatili ang College of Saint Benilde sa ibabaw ng standings na may perfect 4-0 slate.

Sa duelo ng winless teams, pinataob ng Letran ang San Beda, 21-25, 25-20, 25-15, 23-25, 15-9, para sa kanilang unang panalo.

Masaklap ang pagkatalo ng Lady Bombers dahil nasayang nila ang 2-0 set lead.

Bumagsak ang JRU sa tie sa Lyceum of the Philippines University sa 2-2.

Umiskor si Shereena Urmeneta ng 16 points, kabilang ang dalawang service aces, habang nagdagdag si Julienne Castro ng 12 points at nakakolekta ng 15 digs para sa Lady Knights, na pumasok sa win column makaraang matalo ng tatlong sunod.

Tumipa rin si Daisy Melendres ng 12 points, kabilang ang tatlong blocks, habang si Cha Cuñada ang isa pang Letran player na may double digits na may 11 points, kabilang ang dalawang service aces.

Nahulog ang Lady Red Spikers, na naihatid ang laro sa deciding set sa pangunguna ni Max Tayag, sa 0-4.

Kumamada si Tayag ng 14 points at 10 digs, gumawa si Patricia Mañalac ng tatlong service aces para sa 12-point outing, habang nag-ambag si Trisha Paras ng 10 points, kabilang ang dalawang blocks, para sa San Beda.