TINANGKA ni Gerzel Petallo ng FEU na umiskor laban kina Riza Nogales at Kizzie Madriaga ng UE. UAAP PHOTO
Mga laro sa Miyerkoles:
(Smart Araneta Coliseum)
10 a.m. – NU vs AdU (Men)
12 noon – Ateneo vs UP (Men)
2 p.m. – NU vs AdU (Women)
4 p.m. – Ateneo vs UP (Women)
NALUSUTAN ng Far Eastern University ang 30-point production ni Casiey Dongallo sa 22-25, 25-17, 25-18, 25-27, 15-11 panalo laban sa University of the East upang makabalik sa win column sa UAAP women’s volleyball tournament kagabi sa Mall of Asia Arena.
Nagtala si Dongallo ng bagong league record para sa pinakamaraming puntos ng isang rookie sa isang laro, nahigitan ang 28 na kinamada ni Angel Canino sa second round win ng La Salle kontra Adamson noong nakaraang season.
Subalit hindi sapat ang pagsisikap ni Dongallo upang malasap ng Lady Warriors ang ikalawang sunod na pagkatalo matapos ang opening day victory.
Bumawi mula sa straight-set loss sa Lady Spikers noong Miyerkoles, ang Lady Tamaraws ay umangat sa 2-1 kartada.
“Naging hard ‘yung game gawa ng both teams galing sa talo, gustong parehong bumawi kaya ayun naging maganda yung laban, mataas ‘yung emosyon,” sabi ni FEU coach Manolo Refugia.
Nanguna si Gerzel Petallo para sa Lady Tamaraws na may 18 points, kabilang ang 3 blocks, 9 digs at 9 receptions, tumapos si Chenie Tagaod na may 16 points at 5 receptions habang kumana si Congo’s Faida Bakanke ng 14 points, kabilang ang match winner.
“It pays off po lahat ng pinagtrainingan namin kasi pinaghahandaan talaga namin lahat ng mga games namin so medyo overwhelmed po kasi nagawa namin yun. We did out best talaga,” sabi ni Petallo.
Aminado naman si Dongallo na ang kanyang remarkable performance ay naging posible dahil kay setter, Kizzie Madriaga, na ang partnership na nagsimula sa California Academy noong high school ay malayo na ang narating.
“Sa totoo lang po, hindi ko po yun magagawa without her (Madriaga) kasi kung wala po yung tiwala ni Kizzie sa akin na kaya ko pong pumuntos nang ganon, hindi po ako makakagawa ng ganoon,” ani Dongallo, na nakakolekta ng 12 digs at 6 receptions.
Gumawa si Madriaga ng 16 excellent sets, subalit na-outplay ni FEU counterpart Tin Ubaldo, na may 23.