TINANGKA ni Tin Ubaldo ng FEU na pigilan si Sobe Buena ng Ateneo sa kanilang laro sa UAAP women’s volleyball kahapon. UAAP PHOTO
KUMANA ang Far Eastern University ng season-high 15 blocks sa 25-22, 22-25, 25-13, 25-21 panalo laban sa Ateneo upang kunin ang solo fourth place sa pagtatapos ng first round ng UAAP women’s volleyball tournament kahapon sa Smart Araneta Coliseum.
Matibay ang Lady Tamaraws sa kanilang depensa kontra Blue Eagles, kung saan nagtala sina Congo’s Faida Bakanke at Gerzel Petallo ng tig-4 na blocks, habang gumawa sina Chenie Tagaod, Jean Asis at Tin Ubaldo ng tig-2.
“Doon sa 15 blocks na iyon,‘yon talaga ‘yung pinractice namin at pinag-aralan namin na dapat naming gawin kapag kalaban ang Ateneo kasi mostly ang technical nila matataas ‘yung bola so kailangan namin ng timing. ‘Yung pinag-aralan namin lumabas naman,” sabi ni FEU coach Manolo Refugia.
Nagposte si Tagaod ng 18 points, 13 receptions at 10 digs, umiskor si Bakanke ng 12 points, kabilang ang match-sealing kill, habang nagtala rin si Jean Asis ng 12 points para sa Lady Tamaraws.
May 4-3 record, umaasa ang FEU na manatiling nakadikit sa mga lider sa second round na magsisimula sa Miyerkoles sa Big Dome.
Nakumpleto ng University of Santo Tomas, sa likod ng 18-point, 10-dig, 10-reception outing ni rookie Angge Poyos ang first-round sweep magmula noong 2006-07 season kasunod ng 25-18, 22-25, 25-15, 28-26 win laban sa Adamson noong Sabado.
Ang Tigresses ay undefeated sa pitong laro, tampok ang mga panalo laban sa dalawang dating kampeon ng liga.
Nasa ikalawang puwesto ang defending champion La Salle na may 6-1 record, habang ang National University ay may 5-2 record sa third spot. Dinispatsa ng Lady Spikers ang Lady Bulldogs, 15-25, 25-19, 18-25, 25-19, 15-12, sa rematch ng Finals ng nakaraang season noong Sabado.
“Masaya na number four kami pero round one pa lang po, hindi po kami nagmamadali. Iniisip pa po namin kung paano namin malelevel up yung game namin sa second round,” sabi ni Ubaldo, na gumawa ng 15 excellent sets na sinamahan ng 4 attacks.
Tumapos si Lyann De Guzman na may 14 points, 16 digs at 16 receptions, habang nagdagdag sina Sobe Buena at Zel Tsunashima ng tig-11 points para sa Ateneo.
Bumagsak ang Blue Eagles sa 2-5 sa fifth hanggang sixth places katabla ang Lady Falcons.