LADY TRADER NIYARI NG KAWATAN

Trader

LAGUNA – Pinagla­lamayan na ngayon ng kanyang pamilya ang labi ng pinatay na 51-anyos na babaeng negosyante sa bayan ng Pila, makaraang pagnakawan at brutal na pinatay ng hinihina­lang nag-iisang salarin limang araw na ang nakararaan habang ang suspek ay patuloy pa rin na nakalalaya.

Sa harap ng burol, hindi halos makapagsalita at makapagbigay ng kanyang pahayag si Lionell Datay, ang nag-iisang anak ng biktimang si Alma Alarcos.

Mula sa bansang Japan kung saan doon ito nagtatrabaho bilang isang factory worker, mabilisang umuwi ito kamakalawa matapos iparating sa kanya ng kanyang pamilya ang naganap na insidente sa kanyang ina.

Sinasabing nadiskubre ang nakahandusay na bangkay ng biktimang si Alarcos, sa ikalawang kuwarto na nasa ikalawang palapag ng gusali sa pamamagitan ng kanyang katulong na babae na si Annalyn Maribuhoc ng dumating sa lugar dakong alas-7:30 ng umaga noong Huwebes.

Naliligo sa sarili nitong dugo at may mala­king sugat sa kanyang ulo at mukha na may palatandaang pinalo ito ng tubo bukod pa ang bugbog na tinamo nito sa buong katawan na agaran nitong ikinamatay.

Batay sa isinagawang pahayag ng pamilya ng biktima, tinatayang nasa mahigit na P400,000 cash ang tinangay ng itinuturong nag-iisang suspek na dati nilang tauhan na si John Marc Dave Carolino bukod pa ang mga mamahaling alahas na nasa mahigit na 100,000 kabilang ang mga atm, credit cards at dalawang cellphone.

Kaugnay nito, nagawa umanong iabandona ng suspek na si Carolino ang get away vehicle nitong tricycle sa kabayanan ng Pila sakop ng Brgy. Sta. Clara Sur kinabukasan ng umaga makaraan ang krimen kung saan doon ito natagpuan ng mga residente.

Dahil dito, nagpasiyang maglaan ng pabuya ang pamilya ng biktima para sa agarang ikadarakip sa suspek ng halagang P50,000 para tuluyan itong mabigyan ng hustisya. DICK GARAY

Comments are closed.