INIIPON na ng ilang residente ng NIA Road sa Quezon City ang withdrawal form bilang pagbawi sa kanilang lagda sa People’s Initiative (P.I.) na hindi aniya nila alam ay para sa isinusulong ng Kamara na pag amyenda sa 1987 Constitution o Charter Change (Cha-cha), sa gitna naman ng planong education drive sa pagbawi ng pirma na isasagawa ng multi sectoral groups ng University of the Philppines(U.P).
Simula ngayong Lunes ang pagdinig ng Kamara sa resolusyon tungkol sa Cha-cha.
Sa isang televised interview, sinabi ng ilang residente na ayaw magpakilala na iniipon na nila ang kanilang lagda upang isahan na nilang isusumite sa tanggapan ng Commission on Election (COMELEC) sa mga susunod na araw.
“Basta ang sinabi sa kanila sabi pumirma kayo dito dahil maaaring tumanggap kayo ng ayuda.’Di namin alam na ang totoo pala ay Cha-cha,”sabi ng isang kinapanayam na hindi nagpakilala.
“Hindi namin kasi alam e sa Cha-cha pala yun,” ang sabi ng isa pang residente.
Plano namang magsagawa ng education drive at bawi- pirma campaign ang ilang tanggapan ng University of the Philippines (U.P) laban sa Charter Change sa mga komunidad sa pangunguna ng mga tanggapan ng Student Regent, Faculty Regent at Staff Regent.
Nagpahayag ng paninindigan ang iba’t ibang sektor ng Unibersidad ng Pilipinas laban sa planong pagbabago ng Saligang Batas ng Pilipinas sa isinagawa nilang press conference kamakailan.
Inilunsad din ng UP Against Charter Change (UPACC) ang isang multi-sectoral na alyansa sa unibersidad laban sa Cha-cha.
Kabilang sa ilulunsad na hakbang upang labanan ang Cha-cha ay ang pagtulong sa mga komunidad upang maproseso ng legal ang pagbawi ng kanilang mga lagda sa People’s Initiative at mga kilos protesta.
Ito ay sa gitna ng pagigiit ng mga mambababatas ng mababang kapulungan na makatutulong umano ang pag -amyenda sa restrictive economic provisions ng Saligang Batas upang mahikayat ang foreign investors na magnegosyo sa bansa.
Kinontra ng mga taga U.P. na hindi anya makakatutulong sa bansa ang balak ng mga mambabatas na pumasok ang mga institution na magkakaroon ng 100 percent ownership ng education dito tulad ng planong maitatag ang mga topnotch na unibersidad sa mundo tulad ng Harvard, Oxford at iba pa.
“Sa halip na Cha-cha ay seryosohin ang mga reporma sa sektor ng edukasyon. Ang budget para sa modernisasyon ng mga paaralan. Budget para sa matagal ng hinihiling sa pagtaas sa sweldo ng ating mga kaguruan, at gayundin ng mga kawani sa sektor ng edukasyon,” ayon kay Carl Marc Ramota,UP Faculty Regent.
Samantala, naiulat naman na namamahagi na ang militanteng grupong Bayan Muna ng withdrawal forms sa mga komunidad sa Quezon City na may mga lumagda sa P.I. at sa pagtitipon sa EDSA sa paggunita ng ika 38 taon People’s Power EDSA Revolution na isinawa sa EDSA Shrine sa Quezon City ngayong Linggo. Ma. Luisa Macabuhay-Garcia