PAANO nga ba natin kokontrolin ang ating mga sarili sa pagkain ng marami? O sa madalas na pagkalam ng ating sikmura? Iyong tipong kakakain mo lang pero pakiramdam mo ay gutom ka na naman.
Sa totoo lang napakahirap sagutin ang tanong na: paano nga ba kokontrolin ang sarili sa pagkain ng marami o sa madalas na pagkagutom? Sa tuwing may pagkain kasi sa ating harapan, matatakam tayo at mapakakain. Hindi rin naman nakabubuting pigilin natin ang ating sarili dahil lalo lamang tayong mapakakain ng marami.
May mga pagkakataon lalo na ang nagdidiyeta na pinipili lang ang kanilang kinukonsumong pagkain. Ang iba ay iniiwasan ang ilang pagkain sa dahilang magiging sanhi ito ng dagdag na timbang. May iba naman na talagang ginugutom ang sarili. Kumbaga, kahit na sobra na ang pagkalam ng sikmura, tinitiis at ayaw kumain.
Sa totoo lang, kung gugutumin natin ang ating sarili lalo lamang tayong tataba. Lalo lang madaragdagan ang ating timbang. Pansinin na lang natin, nag-skip ka ng meal sa takot mong tumaba. Pero sa susunod namang meal todo-kain ka. Nagpakabusog ka ng bongga. Ano sa tingin mo ang maidudulot niyon?
Masarap kumain. At kapag may masarap na putahe sa ating harapan, tiyak na hindi natin ito maaayawan. Kumbaga, kahit na hindi tayo gutom napakakain tayo ng mas marami sa nakaugalian.
May ilan din namang pagkakataon na feeling natin ay nagugutom tayo kahit na hindi naman talaga. Iyon bang gusto mo lang kumain kahit hindi naman kumakalam ang sikmura. May iba ring dahil galit, malungkot at depress ay napakakain ng marami.
Mahirap naman talagang makontrol ang sarili sa pagkain ng marami. Ngunit kahit na sobrang hirap itong gawin, may mga paraan pa rin. Ika nga ‘di ba, kung gusto ay may paraan at kung ayaw naman, maraming dahilan.
Kaya naman, narito ang ilang paraan sa pagkontrol ng sarili sa pagkain ng marami o sa parating gutom na pakiramdam:
KUMAIN NANG TAMA SA ORAS AT TAMANG DAMI
Isa sa nakatutulong upang makontrol natin ang ating sarili sa pagkain ng marami o ang pagiging laging gutom ay ang pagkain ng tama sa oras at tama ring dami. Kumbaga, iwasan ang pag-skip ng pagkain lalong-lalo na sa agahan. Malaki nga naman ang naitutulong ng pagkain ng agahan upang maiwasan ang palaging gutom na pakiramdam. Magkakaroon ka rin ng malakas na pangangatawan sa buong araw kapag kumain ka ng agahan.
Kaya’t ano pa man ang dahilan mo—iwasan ang pag-skip ng pagkain. Dahil tandaan, ang pag-skip ng pagkain kung minsan ay hindi naman nakapagpapapayat, nakadaragdag pa nga ito ng timbang.
IWASAN ANG PAGKAIN NG SOBRANG DAMI SA ISANG MEAL
Isang paraan din na ginagawa ng marami upang tumagal umano ang pagkain sa kanilang katawan at ‘di makaramdam ng gutom ay ang pagkain ng sobrang dami o ang pagpapakabusog ng todo.
Sa totoo lang, isa ang pagkain ng sobra-sobra o pagpapakabusog ng todo sa dapat nating iwasan upang makontrol natin ang hunger o gutom na ating nadarama. Ang mainam gawin ay ang pagkain ng pakaunti-kaunti. Okey lang ang pagkain ng pakaunti-kaunti kahit na madalas.
Ang pagkonsumo ng small meals every few hours ay nakatutulong upang maging stable ang blood sugar sa buong araw. Nakatutulong din ito upang makontrol ang pakiramdam na laging gutom.
UMINOM NG TUBIG AT JUICE
Isa rin ang tubig o fluids sa nakatutulong upang makontrol ang pagkain ng marami o ang palaging gutom na pakiramdam. May ilan ding tao na inaakalang gutom ang nadaramang uhaw. Kaya panatilihing hydrated ang katawan. Kung hydrated nga naman ang katawan, maiiwasan nito ang gutom na pakiramdam, gayundin ang pagkain ng marami.
PILIIN ANG MGA PAGKAING KAHIHILIGAN
Importante rin upang makaramdam tayo ng kabusugan ay ang klase ng pagkaing ating kahihiligan. Marami nga namang pagkain ang puwede nating pagpilian. Ngunit ang malaking tanong, tumatagal ba ito sa tiyan? Makadarama ba tayo ng fulfillment matapos natin itong kainin? Mainam ba ito sa ka-tawan?
Hindi sa lahat ng panahon ay lalantakan natin ang lahat ng pagkaing ating hinahanap-hanap o kinatatakaman. Kailangang maging mapili tayo sa ating kakainin. Piliin ang mga pagkaing nakapagpapalakas at nakapagpapalusog ng katawan. Dahil ang mga ganitong klaseng pagkain ay mas kailangan ng katawan at mas nagtatagal kaysa sa junk food.
UMINOM NG KAPE
Ayon sa healthline.com, ang pag-inom umano ng kape ay nakatutulong upang maibsan ang nadaramang gutom. Pero hindi lahat ng kape ay may ganitong epekto. Kumbaga, kung nais mong makontrol ang palaging gutom na pakiramdam, piliin ang pag-inom ng decaff dahil nakapagre-reduce ito ng hunger ng hanggang tatlong oras.
UGALIIN ANG PAG-EEHERSISYO
Talaga nga namang napakaimportanteng mag-ehersisyo ang bawat isa sa atin. Napakarami kasing benepisyong naidudulot ng pag-eehersisyo sa buhay at kalusugan ng bawat tao.
Isa rin ang pag-eehersisyo sa nakatutulong upang makontrol ang palaging gutom na pakiramdam.
Mahirap pigilin ang sariling kumain. May mga panahon talagang wala na tayong ginawa kundi ang maghanap ng pagkain. Kapag hindi pa naman natin nakain ang pagkaing hinahanap-hanap natin, kung minsan ay naiinis tayo.
Gayunpaman, gaya ng lagi nating sinasabi, lahat ng sobra ay nakasasama. Kaya naman, kung isa ka sa taong lagi na lang gutom o pakiramdam mo ay laging naghahanap ng pagkain ang tiyan mo, subukan ang ilang paraang nakalista sa itaas nang makontrol ang gutom na iyong nadarama. CT SARIGUMBA
Comments are closed.