NARANASAN natin nitong Miyerkoles ang malakas na lindol dito sa Luzon. Dahil ang ating bansa ay nasa Pacific Ring of Fire, hindi nakapagtqtaka ang magkaroon ng malalakas na lindol dito. Kaya’t muling pinaaalalahanan ang lahat sa kahalagahan ng pagiging handa.
Mahalaga ang pagkakaroon ng mga earthquake drill sa bahay man, eskwelahan o lugar ng trabaho. Kung ikaw ay nakatira sa fault line o malapit dito, sa mga gusaling matataas, temporary shelter o tahanang gawa sa marupok na materyales, mobile home, o bahay na may mga sira na, kailangang maging handa sa pag-evacuate. Alamin kung saan ang nakatalagang evacuation center sa iyong lugar.
Ihanda natin ang tinatawag na go-bag para sa bawat miyembro ng pamilya. Ito ay naglalaman ng pagkain at tubig, mahahalagang dokumento at cards, pera at radyo, mga damit at kumot, matibay na sapatos, flashlight at baterya, mask at first aid kit, telepono at charger, powerbank at Swiss knife, at iba pa. Planuhin ang ruta para sa evacuation at ipaalam ito sa buong pamilya.
Kung may sira o mahihinang parte ang inyong bahay kagaya ng mga pader, ayusin ito at patatagin ang istruktura. Siguruhing walang mahuhulog na bagay o gamit kung sakaling magkaroon ng malakas na lindol. Maghanda rin ng mga kandila, generator, posporo, flashlight, rechargeable lamp at radyo, baterya, at power bank kung sakaling mawalan ng koryente.
Sa bahay, mahalaga ang stock ng pagkain at gamot. Ihanda ang mga de lata, tinapay, tubig, bigas, noodles, at iba pang pagkain, inumin at gamot na kakailanganin ng mag-anak kung sakaling hindi makalabas o walang mabilhan.
Ipaskil ang mga numerong ito sa inyong bahay o bigyan ng kopya ang lahat ng miyembro ng pamilya:
Philippine National Emergency Hotline 911
National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) Trunk line: (02) 8911-5061 to 65 local 100; Operation Centers: (02) 8911-1406, (02) 8912-2665, (02) 8912-5668, (02) 8911-1873
Office of the Civil Defense Trunk line: (02) 8421-1918, (02) 8913-2786
Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) Hotline: 136; Viber: 0939-922-7161
Philippine National Police (PNP) Hotline: 117 or text PNP to 2920; Emergency line: (02) 8722-0650; Text hotline: 0917-847-575
Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS)- (02) 426-1468 to 79
(Itutuloy…)