LAGING HANDANG SUMAKLOLO SI YORME ISKO

MAGING hindi residente ng Maynila ang nakadarama ng panatag ngayon na dumarami araw-araw ang nahahawa ng mabagsik na Omicron variant, at maipagpapasalamat natin ito sa mabilis na gawa at kilos na ginagawa ni Manila Mayor Francisco ‘Isko Moreno’ Domagoso.

Kasi, dalawang buwan, bago pa maibalita ang bagong paglutang ng Delta at Omicron variant, naghanda na ang pamahalaang lokal ng Maynila: umorder na ito ng napakaraming anti-COVID vaccines, anti-viral at mga gamot na iniingatang mabuti sa Vaccine Storage Facility sa Sta. Ana Hospital.

‘Yan ang katangiang gusto natin sa isang local chief executive, ‘yung resourceful na, maagap at masipag pa tulad ni Yorme Isko.

Kaligtasan ng lahat ang nasa puso ni Yorme Isko kaya ‘yung mahigit sa 300,000 doses ng bakuna, kabilang ang 179,000 doses ng Pfizer; 55,000 ng Moderna; 38,000 ng Astrazeneca; 6,500 ng Janssen at 3,700 doses ng Sinovac ay handa niyang ibigay nang libre sa sinumang nangangailangan.

At hindi lang ito kuda, may pruweba: noong nakaraang linggo, libo-libong drivers, delivery boys, mga courier ng Grab, LalaMove, Shopee, Mr. Speedy, FoodFanda, Lazada at iba pang food delivery personnel na hindi Manilenyo ang binigyan ng booster shot sa vaccination sites sa Divisoria at sa Bonifacio Shrine.

Marami sa binigyan ng dagdag-proteksiyon laban sa Omicron ay mga taga-Cagayan at Bicol na nagluluwas ng isda, gulay, prutas at iba pang produktong pagkain sa Metro Manila.

Diyan mo masisinag ang karakter at ang lantay na malasakit ng kandidatong pangulo ng Aksyon Demokratiko na walang sini-sino sa bibigyan ng bakuna.

Mahalaga kay Yorme Isko ay makapagligtas ng ama, ng ina, ng anak, at ng iba pang tao laban sa nakamamatay na pandemya, na ayon sa report ay umabot na sa 33,169 ang nagpositibo sa COVID-19 noong Lunes, Enero 10.

Kaya nga binili ang mga bakuna para sa proteksiyon, para magligtas ng buhay, at kung maubos at magkulang, ano ang utos ni Isko: umorder na, bumili pa nang may maibigay – nang libre – sa mga maysakit, sa mga nangangailangan.

Nang bumisita nga siya sa storage facility, sinabi ni Yorme Isko na tutulong ang Maynila sa abot ng kanilang makakaya kasi, mahalaga ang tao, mahalaga ang buhay, at kalakip ang mga gamot, ang pagtitiwala sa awa at biyaya ng Diyos.

Taos sa puso ang alok na tulong sa mga gustong mabigyan ng libreng gamot, sabi ni Yorme sa kahit hindi residente ng Maynila.

Sabi ni Yorme Isko, may sapat na suplay ng Remdesivir, Tocilizumab, Baricitinib at Molnupiravir at sa mga hihingi, kumontak lang sila sa Manila Health Department (MHD) at reseta lang ang kailangan nang maihanda at maideliber ang gamot.

‘Yung mga ‘di pa nabakunahan, kahit sino, magpunta lang sa mga vaccination center sa Maynila,”babakunahan namin kayo.”

Ang nakatutuwa, kahit abala sa pagtulong sa mga nahahawa ng Omicron, hindi nakakalimot si Yorme Isko sa mga sinalanta ng bagyong Odette.

Ang kanyang magandang maybahay, si Ma’am Dynee Domagoso, ang personal na kasama ng Team Isko at mga volunteer ng Manila Disaster and Risk Reduction Management Office at Manila Fire Department, nagdala sila ng relief goods, tumulong sa clearing at rescue operations at naghatid ng mga gamot at bitamina at malinis na inuming tubig at tolda at mga kutson, kumot para sa mga nawalan ng bahay sa Visayas, Mindanao at Palawan.

Kaya ganoon na lamang ang pasasalamat ng mga nabigyan ng ayuda at tulong ng Operation Tabang ng Team Isko, pero hindi nakalimot si Ma’am Dynee na purihin ang lahat ng nagdonasyon ng salapi, relief packs, mga gamot at iba pang bagay.

Ang libo-libong mapagmalasakit na kababayan sa Maynila, mga pribadong tao at samahan na nagbayanihan ang higit na dapat na pasalamatan ng mga biktima ng kalamidad.

At higit sa lahat, sa awa at pagmamahal at pag-ibig ng Diyos, lahat ng pagsubok at hirap na dala ng kalamidad at ng pandemya, sabi ni Yorme Isko, “makababangon uli tayo, makatatawid tayo; lalakas uli tayo at giginhawa, magtiwala lamang sa Kanya.”

o0o

Talagang may malasakit sa kapwa at likas naman kay Yorme Isko ang tumulong sa mga nagigipit at nangangailangan at hindi niya ito ginagawa dahil kandidato siyang pangulo.

Noong pumutok ang Taal Volcano noong 2019, hindi lang ayudang pagkain, face mask at gamot ang ipinadala ni Isko, pati ang tropang volunteer ng MDRRMO upang tumulong sa mga sinalanta.

Tuwing may panawagan ang ibang LGUs na tulong sa panahon ng kalamidad, baha at iba pang emergency, mabilis na nag-aabot ng tulong ang Manila City Government.

Bisyo kasi ni Yorme ang serbisyo sa tao.

Kaya si Yorme Isko ang gusto kong maging pangulo sa Mayo.
Magkaroon naman tayo ng matulunging pangulo na guwapo at mayroon lamang nag-iisang misis!

o0o

Para sa inyong mga suhestyon, reaksyon at opinyon ay mag-email lang sa bampurisima@yahoo.com.