MARAMI mang nangyayari sa paligid, hindi pa rin maiiwasan ang paglabas ng bahay upang magtungo sa trabaho o magawa ang mga kailangang gawin. Hindi nga naman dahilan ang mga pangyayari sa paligid para itigil na natin ang pagtatrabaho o ang manatili na lang sa loob ng tahanan. Maraming obligasyon ang bawat isa sa atin—sa trabaho, sa pamilya, sa sarili, gayundin sa lipunang ating ginagalawan.
At dahil bawat isa sa atin ay may kanya-kanyang trabaho o kailangang lumabas ng bahay para magampanan ang obligasyon, narito ang ilang simpleng paraan upang maging handa sa kahit na anong panahon o sa mga puwedeng mangyari sa paligid:
LAGING MAGSUOT NG KOMPORTABLENG DAMIT
Sa kahit na anong panahon o pagkakataon, napakahalagang handa ang kabuuan gayundin ang ating isipan.
Halimbawa na lang sa ganitong panahon na hindi pa humihinahon ang Taal, mas mainam kung magsusuot ng mga damit na komportable at madaling makagagalaw gaya ng t-shirt, pants at rubber shoes. Iwasan muna ang mga komplikadong damit o outfit.
Araw-araw rin o sa tuwing lalabas tayo ng bahay, mas piliin ang pagsusuot ng komportableng damit.
Magdala rin ng ekstrang damit nang may maipamalit sakaling madumihan o mabasa.
MAGDALA NG SCARF AT MASK
Kung minsan din, bigla-bigla na lang tayong nilalamig at inuubo. Para laging handa, ugaliin ang pagdadala ng scarf nang may maipantakip sa ulo gayundin sa leeg. Maraming klase ng scarf ang puwede nating pagpilian. Magaan lamang din ito at kasyang-kasya sa ating bag. Puwede ring magamit na eye mask ang scarf. Swak din itong pang head wrap o kaya naman, pampadagdag ng ganda sa isang outfit.
Huwag ding kaliligtaan ang pagdadala ng mask dahil malaki rin ang maitutulong nito kapag inuubo ka o may inuubo sa mga nakasabayan mo sa pampublikong sasakyan. O sakali mang mausok ang paligid, may magagamit ka upang makahinga ng maayos.
Bukod din sa pagdadala palagi ng scarf at mask saan ka man tutungo, isama rin sa listahan ng mga kailangang bitbitin o lagi dapat na nasa loob ng bag ang towel, wet wipes, candy at hand sanitizer. Magdala rin ng tubig para mapanatiling hydrated ang katawan.
ISAALANG-ALANG LAGI ANG KALIGTASAN
Hindi naman masama kung gagawin natin ang lahat ng mga gusto nating gawin. O kainin ang mga kinahihiligan nating pagkain.
Kapag nasa labas tayo ng bahay, mas naeengganyo tayong kumain nang kumain. Marami nga namang klaseng pagkain ang nagpapatakam sa atin.
Gayunpaman, maging maingat tayo lalo na kapag nasa labas ng bahay. Maging mapili sa mga kakainin. Huwag ding basta-basta iinom ng kung ano-anong palamig o juice na makikita sa kalye nang maiwasan ang kahit na anong problema.
Kapag din nasa isang lugar o nasa labas ng bahay, maging alerto rin sa paligid nang hindi mapahamak o masalisihan. Alam naman nating sa panahon ngayon, maraming masasamang loob ang nagkalat na naghihintay lang ng pagkakataong makapanlamang o makapanloko.
Kaya’t maging maingat tayo. Maging aware rin sa paligid.
Lahat naman tayo ay lumalabas ng bahay. At sa tuwing lalabas tayo ng bahay, mag-ingat tayo at maging handa. ni CT SARIGUMBA
Comments are closed.