Lagi’t lagi tayong nagluluksa
Pag humahantong sa pagkawala
Anumang mayroon sa simula
Subalit, sa wakas, iyon na nga:
Ang pagyao ng mahal sa buhay
O di kaya’y ang paghihiwalay
O kapag may alagang pumanaw
Hayop pa man iyan o halaman.
Ngunit hindi natin nababatid
Itong sa atin ay naghahatid
Ng winawalang-bahalang sakit
At binabalewalang hinagpis.
Tulad, halimbawa, ng negosyong
Nalugi dahil lamang sa iyo
O ng pagkatanggal sa trabaho
Kasi di mo raw sineseryoso.
O paglipat sa bagong lokasyon,
O paggawa ng isang desisyong
Napakahalaga sa transisyon —
Mula sa noon hanggang sa ngayon.
Sa kasalukuyan, natupad ba
Ang lahat ng iyong pinangarap?
Bilang magulang? At bilang anak?
Ginampanan ba natin nang ganap?
Diumano, bawat papel natin
Sa kahit na ano pang gawain
May katapat ito na tungkulin
Tanggalin man natin o tanggapin.
Kung tayo ay nagdadalamhati
Nang labis, sapat lang, o kaunti
Siguraduhing makakauwi
Tayo, mas madalas kaysa hindi.