LAGUNA KAMPEON SA BATANG PINOY LUZON LEG

batang pinoy

ILAGAN, Isabela – Matapos ang mahabang panahon na pagkakatulog ay muling inangkin ng Laguna Province ang pangkalahatang titulo kontra 2017 Luzon leg at 2018 National champion Baguio City sa pagtatapos ng 20 pinaglabanang sports sa 2019 Batang Pinoy Luzon Quali­fying leg dito.

Umarangkada ang pinakaunang nagkampeon nang ilunsad ang Batang Pinoy noong 1999 na Laguna Province sa huling araw ng kompetisyon sa pagwawagi sa badminton at athletics upang agawin ang titulo sa dalawang ginto lamang na abante.

Humakot ang Laguna, pinalakas ng 160 atleta, ng 38-35-36 para sa kabuuang 109  medalya, habang nag-uwi ang Baguio na may pinakamalaking de­legasyon ng 36-47-60;  Quezon City, 24-19-11; Pangasinan, 23-24-26;  Pasig, 23-24-27; Taguig 19-17-28; Dasmariñas, 18-10-15; Dagupan, 16-12-11; Muntinlupa, 14-8-5, at Makati, 13-8-15.

Tumapos ang host city na 26th overall na may kabuuang 23 medalya (3-7-13).

Kasama sa bagong sports heroes sina Ericka Marie Ruto, Juntine Angelo Munoz, Leslie De Lima, Hussein Lorana, Julius Ranosa, Gilbert Velasco, Genanalyn Estrada, Laurize Jeante Wangkay, Marvilyn Canion, Kenndrick Garcia, James Brylle Ballester, at Magvrylle Chauruse Matchino; swimming wonders Micaela Jasmine Mojdeh, Aubrey Tom, Mark Bryan Dula, Gabriel Angelo Jizmundo, Janelle Ashley Blanch, Quendy Fernandez, at Prince Dave Calma; at chess wizards Gio Troy Ventura, Jerlyn San Diego, at Darren de la Cruz.

Sina Munoz at Ruto ang itinanghal na ‘prince’ at ‘princess’ ng sprint, habang sina Leslie De Lima at Lorana ang ‘prince’ at ‘ princess’ ng long distance. Itinanghal si Marvilyn Canion bilang best high jumper; sina Gabriel Andrei Velasco at Genalyn Estrada bilang strongboy at strongman girl; at si Rufo Aidan Raguine ang best long jumper.

Ang mga atleta na kuminang sa Luzon leg ay makikipagsabayan sa mga qualifier sa Min­danao at Visayas sa national finals na gagawin sa July sa hindi pa malamang venue. CLYDE MARIANO