LAGUNA-BUMUO ng isang special team si Laguna Police Director Col. Randy Glenn Silvio na siyang mag-iimbestiga at tututok sa mga kaso ng shooting incidents at missing persons mula pa noong 2004 hanggang sa kasalukuyan.
Ito ang pahayag ni Silvio matapos nitong matanggap ang pinal na report ng isang komite sa Laguna police headquarter hinggil sa bilang ng unsolved cases ng pamamaril at bilang ng mga nawawalang indibiduwal sa lalawigan.
Ayon kay Silvio, sa record ng Laguna PNP, may kabuuang 16 na kaso ng shooting incidents at 18 missing persons ang nakatala sa kanilang police ledger na pawang mga hindi nareresolba.
Base pa rin sa record ng pulisya, 90 percent ng mga biktima sa naturang shooting incident ay namatay samantalang 100 percent naman sa mga missing persons ay blanko ang mga awtoridad kung ang mga nawawala ay buhay pa.
Ang nasabing binuong Special Team ay pangungunahan ni Silvio katuwang ang tanggapan ng Laguna provincial forensic unit, Regional Anti- Cybercrime Office, Laguna Provincial Highway Patrol, CIDG Laguna at Regional Intelligence unit ng PRO4 headquarters.
Partikular na pagtutuunan ng binuong special team ang mga kaso na kinabibilangan ng 3 elected government officials, 11 private individuals, 3 gambling personalities at 1 retiradong police official.
Ang nasabing bilang ay ang mga missing persons na hanggang sa kasalukuyan ay hindi pa matukoy kung ang mga ito ay nananatiling buhay. ARMAN CAMBE