LAGUNA PNP PINALAKAS ANG PUWERSA VS KAWATAN

kawatan

LAGUNA – PINALAKAS ng pamunuan ng Laguna-PNP ang kanilang buong puwersa laban sa mga masasamang elemento sa buong lalawigan matapos ang idinaos na pasinaya at pamamahagi ng baril sa lungsod ng San Pablo kama-kalawa ng umaga.

Pinangunahan nina Calabarzon-PNP Director PBGen. Edward Carranza, Laguna-PNP PCol. Eleazar Matta, San Pab­lo City Mayor Loreto Amante, NAPOLCOM Provincial Director Atty. Mia Antonette Quijano at iba pang mga opisyal, ang idinaos na pasinaya ng makabagong Police Station at ang pamamahagi ng mataas na kalibre ng baril sa binuong mi­yembro ng SWAT Team sa lugar.

Kabilang sa idinaos ang Signing of the Deed of Donation ng ipinagkaloob na parcela ng lupa mula sa pamahalaang lokal na nasa bahagi ng Brgy. San Gregorio na umaabot sa mahigit na tatlong libong (3,000) metro cuadrado.

Ito rin aniya ang nakatakdang pagtayuan ng permanenteng tanggapan ng pulisya o ang sinasabing San Pablo City Model Police Station.

Kaugnay nito, inatasan ni Carranza at Matta ang kanilang mga tauhan na pagbutihin pa ang kanilang mga trabaho partikular ang patuloy na paglaban sa masasamang elemento at ang maigting na laban ng mga ito sa ipinagbabawal na droga.

Samantala, sinasabing pinaglaanan ng kaukulang pondo ng pamahalaang lokal ng lungsod ng San Pablo sa pamumuno ni Amante at sangguniang panglungsod ang pagsasaayos ng naturang himpilan kabilang ang ipinamahaging bilang ng mataas na kalibre ng baril at ang itatayo pang panibagong gusali ng pulisya. DICK GARAY