LAGUSNILAD UNDERPASS BUKAS NA SA PUBLIKO

EKSAKTO sa pagsisimula ng Kapaskuhan sa Maynila, muling binuksan kahapon ng umaga sa publiko ang Lagusnilad Underpass matapos na sumailalim major rehabilitation ng ilang buwan.

Kasama ni Manila Mayor Honey Lacuna sina Vice Mayor Yul Servo, City Engineer Armand Andres, Chief of Staff Joshue Santiago, Congressman Irwin Tieng at Manila Police District (MPD) Director Arnold Thomas Ibay, at iba pa, pinangunahan ni Lacuna ang reopening ng nasabing underpass at inanunsyo na ang pumping system ay sasailalim din sa upgrade.

Ayon kay Lacuna, ang reopening ng Lagusnilad ay magpapagaan sa galaw ng trapiko para sa motorista dahil ang nasabing underpass ay isang major thoroughfare na daanan ng mga motorista patungo sa kanilang shopping destinations na namimili ng mga panregalo sa mga lugar tulad ng Divisoria at Quiapo.

Sinabi pa ng alkalde, ang newly-rehabilitated underpass ay iilawan sa magkabilang gilid, bukod pa sa inilagay na solar studs sa concrete flooring upang tiyakin na ligtas ang mga motorista na nagdaraan.

Dahil sa Lagusnilad redevelopment, sinabi ni Lacuna, “Pag umulan, inaasahan nating hindi na ito babahain at magluluba-lubak. Tinaasan din natin ang semento at hindi po ito aspalto lamang.”

Sa kabila na ang Lagusnilad ay nasa ilalim ng national government, ang local government ang gumawa ng inisyatibo na kumpunihin ito dahil na rin sa mga reklamo ng mga motorista na nahihirapan sa pangit na kalagayan ng underpass.

“Tumulong lang kami kasi kami ang laging nasisisi,” buntunghininga ng alkalde. Nagsimula ang trabaho sa underpass noong Mayo.

Nabatid na sinagot ng city government ang P50 million habang ang tanggapan ni Rep. Tieng ay nag-ambag ng P20 million.

Sinabi pa ng alkalde na si Tieng ay nangako na magbibigay pa ng P100 million additional budget na gagamitin sa upgrading ng pumping system. Ito ay dahil sa ang underpass ay below sea water level kaya madalas ang pagbaha.

Ayon naman kay Andres, ang Lagusnilad ay sumailalim sa total upgrade sa pamamagitan ng concreting, drainage system improvement, curing, waterproofing, at iba pa.

Tulad ng dati, sinabi ni Lacuna na lahat ng klase ng sasakyan ay maaaring gumamit ng underpass at mananatili itong bukas kahit ang pumping system nito ay sumasailalim sa upgrade.

Sinigurado din sa lahat ng mga residente ng Maynila na tuloy-tuloy ang pagpapaganda ng mga kalye sa lungsod.
VERLIN RUIZ